Kahit sinasabing moderno na ang panahon at malaki na ang ipinagbago ng mundo, marami pa ring Pinoy ang sinusunod ang mga pamahiin o lumang paniniwala sa burol ng mga yumao. Pero dapat nga ba itong gawin?
Isa rito ang pamilya ni Teresita Estrada, ipinagluluksa ang pagpanaw ng kaniyang kabiyak na si Jose, 74-anyos.
Ayon sa ulat ni Russel Semorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, pumanaw si Jose dahil sa kaniyang karamdaman.
Nakabantay sa burol ni Jose si Teresita, hindi tanggapin ang pagyao ng kaniyang mister.
“Masakit kasi ‘yung mahal na mahal mo tapos mawawala. Ang hirap. Mahirap talaga. Kasi dalawang beses na akong namatay ng pamilya, bale ‘yung anak kong isa,” sabi ni Lola Teresita.
Marami ang pansamantalang ipinagbabawal sa burol ni Mang Jose dahil sa sinusunod nilang pamahiin o tradisyon.
Ilan dito ang: bawal maglinis ng paligid ng bahay, bawal maligo sa bahay ng namatayan, bawal dumalaw ang mga naka-pulang damit, bawal mag-uwi ng pagkain, at bawal matuluan ng luha ang kabaong.
Naghahain din ang pamilya ng pagkain sa ibabaw ng kabaong o pinag-atang na siya umanong babaunin ng pumanaw sa paglalakbay sa kabilang buhay.
“Kung may ginawa kang pagkain, i-aano mo sa kanila para kumain din. At saka, yung iba yung atang nila magbibigay sila sa simbahan,” sabi ni Lola Teresita.
Paliwanag naman ng Simbahan, minana lang umano ang paghahain ng atang mula sa mga ninuno at hindi nila ito inirerekomenda.
“Sabi may susunod na mamamatay, talagang may susunod. Hindi mo maiiwasan na may susunod na mamamatay pero ‘yung time-lapse," ayon kay sabi ni Saint Paul Cathedral Parish Priest Fr. Bayani Flores. "Naging tradition na kasi ‘yun na until this time, sinusunod pa rin dahil nagiging rule of mouth na.”
Bagama’t 'di na mawawala ang mga pamahiin, ipinapaalala ng Simbahan na mas mahalaga na ipagdasal ang mga kaluluwa ng mga yumao sa panahon ng Undas.
“Kapag ipinagdasal natin sila, mapupunta sila later on sa paradise. Sa Roman Catholic, may sense kasi na gunitain sila kaya pumupunta tayo sa sementeryo,” paliwanag ni Flores.-- Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News