Bagong atraksyon na kagigiliwan sa Bonifacio Global City ang kauna-unahang 3D LED screen sa bansa na pinasinayaan nitong Huwebes.
Ayon sa ulat ni Raffy Tima sa “24 Oras,” makikita ang kamangha-manghang display sa isang gusali sa kalagitnaan ng Fifth Avenue.
Kakaiba ito dahil mistulang lumalabas sa kahon na screen ang mga imahe dahil sa ginamitan ito ng 3D technology.
Unang nakita ang ganitong atraksyon sa Times Square sa New York at Shibuya Crossing sa Japan.
“We feel this is going to provide a very engaging experience for the people in BGC. Both pedestrians, shoppers, even the motorists kasi it’s in the epicenter of BGC,” sabi ni Fort Bonifacio Development Corporation COO Alfie Reyes.
Dagdag pa ni Reyes, dinala raw nila ang teknolohiya sa bansa para maranasan ng mga Pinoy, lalo na ang mga parokyano ng BGC, ang bagong karanasan sa visual entertainment.
Umaasa rin daw sila na ma-e-engganyo nito ang mga tao na maglakad-lakad sa kanilang mga kalsada. At dahil paparating na ang Pasko, maghahanda rin daw sila ng mga special content.
Natuwa naman ang ilang unang nakakita ng atraksyon.
“Maganda ‘yung billboard.. Nakita ko lang 'yan sa Japan tapos nakita ko na sa Philippines,” sabi ng isang nakakita.
Mapapanood ang mga 3D LED contents sa screen mula 6 a.m. hanggang 7 p.m. tuwing weekdays at hanggang 11 p.m. tuwing weekends. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News