Posible umanong umabot sa 18,000 ang daily COVID-19 cases sa Nobyembre at Disyembre kapag pinayagan ang mga tao na huwag nang magsuot ng face mask pati sa indoor areas, ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Ayon kay Vergeire, inilahad ng DOH ang posibleng mangyari sa ginanap na pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) noong nakaraang linggo.

Dito napagdesisyunan na gawing boluntaryo na rin lang ang pagsusuot ng face mask sa indoor areas sa buong bansa.

“Sinasabi sa projections na towards November and December of this year, kung magtatanggal tayo ng masks, maaaring tumaas ang kaso natin from 2,500 at the lower limit, to as high as 18,000,” sabi ni Vergeire sa panayam sa radyo nitong Huwebes.

Nitong Miyerkules, nagbabala rin ang infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante, tungkol sa posibleng pagsipa ng COVID-19 cases kapag ipinatupad ang voluntary wearing ng face mask sa indoor areas sa harap na rin ng pagkakaroon sa bansa ng mas nakahahawang Omicron XBB subvariant at XBC variant.

Sa hiwalay na panayam sa CNN Philippines, sinabi ni Vergeire na unang inirekomenda ng DOH sa IATF ang optional masking indoors, na ipatupad lang mula sa mga piling lugar na mataas ang bilang ng mga nagpa-booster shot ng COVID-19 vaccines at madaling mapamahalaan.

Kasama umano sa lugar na inirekomenda ang National Capital Region.

Gayunman, sinabi ni Vergeire, na bilang isang collegial body ang IATF, nasapawan ng ibang ahensiya ang mungkahi ng DOH.

“Our position was that we take it…parang slowly, that we still do a pilot first during this month of November so that we can see if kakayanin ng ating sistema. But the other sectors, of course, have proposed that we do it nationwide already and it be done already,” paliwanag niya.

Ayon kay Vergeire, hindi maiiwasan na dumami pa rin ang hawahan ng COVID-19 dahil hindi pa nawawala ang coronavirus at patuloy ang mutation nito.

Ang kailangan umano ay mapanatiling mababa ang severe at critical cases, at hindi mapuno ang mga ospital.

Pinaalalahan din ng opisyal ang publiko na timbangin ang peligro sa pag-aalis ng face mask sa  indoor areas.

“Sa ngayon, we highly encourage our citizens para tumanggap ng boosters, pero talagang napaka-slow ng uptake ngayon,” ani Vergeire.

“What we need to do really is to assess our risks kapag tayo ay lalabas o kaya ay pupunta sa indoor spaces. Kung sa tingin ninyo ay kakaunti lang ang tao o sa tingin ninyo, hindi naman kayo vulnerable, then very well, you can voluntarily remove your masks,” dagdag niya. --FRJ, GMA News