Malubhang sugatan ang dalawang lalaki matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang kotse, dahilan para magliyab naman ang auto sa Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa kanto ng Taft Avenue at Remedios Street bandang 2 a.m.

Tinatahak ng kotse ang Taft Avenue samantalang nagmula naman sa Remedios Street ang motorsiklo.

Nakalabas agad ang driver ng kotse, ngunit parehong malubhang sugatan ang dalawang sakay ng motorsiklo.

Sa kalsada na iniligtas ang dalawang sakay ng motor dahil sa tindi ng kanilang mga sugat.

Tumangging magbigay ng pahayag ang 20-anyos na driver ng kotse, pero iginiit niyang sumunod lamang siya sa batas trapiko nang paandarin ang kotse dahil go ang stoplight, hanggang sa may sumulpot na motorsiklo.

Iniimbestigahan din kung nakainom ang driver, bagay na kaniyang itinanggi. —Jamil Santos/LBG, GMA News