Naniniwala ang mga pulis na nag-imbestiga sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid na nalutas na ang kaso dahil nakilala at naaresto na ang mga suspek. Ngunit, ayon sa kanila, patuloy pa rin ang imbestigasyon.

“Actually, nalutas na po natin ito dahil meron na tayong na-identify na mga suspek at meron na rin tayong nasa kustodiya natin, at higit sa lahat, na-file na natin ang kaso. Ito nga lang po, tinutuloy-tuloy pa rin natin ang imbestigasyon nito,” sabi ni Southern Police District (SPD) director Police Brigadier General Kirby John Kraft sa isang panayam sa Super Radyo dzBB ngayong araw ng Linggo.

“Pero as far as we are concerned, ito po ay nalutas na natin itong kaso na ito,” giit niya.

Sinabi ni Kraft na kasama sa kanilang imbestigasyon ang pagsusuri sa radio program ni Lapid mula 2021 hanggang 2022.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa tatay ng umano'y unang middleman, namatay sa loob ng New Bilibid Prison, sa planong pagpaslang sa dating broadcaster.

Lumalabas na nagkaroon ng hemorrhage o pagdurugo sa puso ang middleman, ayon sa isinagawang autopsy ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kinilala ang middleman na si Cristito Villamor Palaña, na pinangalanan ng self-confessed gunman na si Joel Escorial sa kontratang pagpatay sa dating broadcaster.

“Sa panahong ito, bilang imbestigador, nakatutok pa rin tayo doon sa sinasabi ng gunman. ‘Yun pa rin po ‘yung tinututukan natin para malaman natin kung sino talaga,” sabi ni Kraft.

Kasalukuyang binabantayan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang umano'y ikalawang middleman na kinilalang si Christopher Bacoto.

Si Lapid ang host ng online broadcast program na "Percy Lapid Fire" sa DWBL 1242, at isang kolumnista para sa Hataw.

Umamin sa krimen at sumuko sa pulisya noong Martes si Escorial. Kinilala din niya ang ang kanyang mga kasabwat na sina Israel Dimaculangan, Edmund Dimaculangan, at isang Orlando.

Inilahad ni Escorial na galing sa loob ng NBP ang utos na patayin si Lapid.

Ayon sa pulisya nitong Miyerkules, sinampahan na ng kasong murder si Escorial at ang tatlong tinuturong kasabwat niya sa pamamaril kay Lapid. —Mel Matthew Doctor/LBG, GMA News