Dumagsa sa Bulacan ang mga kaanak ng Overseas Filipino Workers (OFW) na ilang buwan nang naghihintay na makuha ang padala sa kanilang balikbayan box. Ang mga kahon na galing sa Middle East ay napasama umano sa balikbayan box scam.
Sa isang exclusive report ni JP Soriano sa “24 Oras Weekend,” sinabing hindi bababa sa 4,000 balikbayan boxes ang dinala sa isang warehouse Balagtas, Bulacan.
Naproseso at na-encode na ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga package at natukoy na rin kung sino ang mga consignee.
Tinawagan na rin ng mga taga-BOC ang mga may contact person na tatanggap ng mga balikbayan boxes. Gayun din, naka-post na sa social media pages ng Customs ang container numbers na handa para makuha ang mga padala.
Kaya naman, dinagsa ang warehouse ng mga kaanak ng OFWs na halos isang taon nang naghihintay ng package.
Nagsisiksikan ang mga nais nang makuha ang kanilang mga padala.
Si Adelfa Rencillo na mahigit pitong buwan ding hinintay ang padala ng anak na OFW sa UAE, hindi raw matiyak kung expired na ang ilan sa mga pagkaing laman ng balikbayan box.
Pero nang makuha na ang ilang balikbayan boxes sinabi ni Rencillo, “Siyempre masaya na kasi ‘yung pinaghirapan ng aming mga OFW mga anak at kamag-anak, matatanggap namin kahit paano makukuha rin namin at aabot sa amin ‘yung mga pinagpaguran nila.”
Samantala, ayon kay Arianne Ferreras, dumating na sa Pilipinas ang nanay niyang OFW at nakaalis na ulit ito patunog sa ibang bansa, pero natengga pa rin sa Customs ang kanilang package.
“Seven months na po. Ipinadala po ni mama March 24, 2022 po. Tapos ‘yun po hanggang sa umuwi na po ‘yung mama ko, two months po siya dito, hindi pa rin po dumarating ‘yung box namin,” ani Ferreras.
Ang libo-libong mga balikbayan boxes ay inabandona nang makarating na sa Pilipinas nang pinag-padalhan ng delivery company mula Middle East.
Ibig sabihin, hindi nag-iwan ng pambayad ang kumpanya para mailabas ng Customs at ganoon din ng pambayad sa mag-door-to-door delivery pagdating sa Pilipinas.
Nauna nang inako ng BOC ang mga bayaring hindi ibinigay ng inerereklamong delivery company. Kaya libre at walang babayaran ang mga tinatawag nilang consignee.
Sa gitna ng mahabang pila, inilapit sa GMA News ng ilang tatanggap na kaanak si Bengie Basiang.
Si Basiang ay mula pa sa Kalinga, Apayao. Bumiyahe siya ng 12 hours at gumastos pa ng pang-gasolina na aabot sa P14,000 para makuha ang balikbayan box na padala ng kanyang asawa.
“Ay sobra sir. Pati ‘yung pagod at saka ‘yung pag-hire pa ng sasakyan, sir para makuha lang ang padala ng misis ko para sa mga bata,” aniya.
Agad naman inuna at tinulungan ng mga tauhan ng BOC si Basiang at kalaunan ay nakuha rin ang kanilang balikbayan boxes.
“Ni-locate ho namin sila at tinawagan na namin sila a week before the schedule para ho din ma-sort natin ang boxes nila so that mas mabilis sana. Kapag dating nila ready to pick it up,” sabi ni BOC Director Administrative Office Michael Fermin.
“The problem is that kapag may multi-number of boxes po sila… kamukha nito may lima na pero may isa pang box na hinahanap and stockpile of the boxes medyo challenging to retrieve it. We're doing our best to release it but in recognition ho sa kanilang pagparito, alam po namin ‘yung effort at saka gastos po nila at ‘yung iba nag-arkila lang ho ng sasakyan,” dagdag pa ni Fermin.
Nakipag-ugnayan na ang Customs at Door-to-Door Consolidators Associations sa Department of Migrant Workers para matunton at mapanagot ang mga sangkot sa mga balikbayan delivery modus.
Nangako rin ang BOC na tatapusin nila ang distribution sa lahat ng nagpunta sa warehouse sa Bulacan.
Sa mga susunod na araw, abangan din daw ang kanilang announcement kung pwede nang ma-pick up ang iba pang container vans na inabandonang balikbayan boxes. —Mel Matthew Doctor/LBG, GMA News