Matapos ang magkasunod na linggo na malakihang fuel price hike, asahan na mababawasan naman ito sa susunod na linggo. Iyon nga lang ayon sa oil industry sources, baka hindi umabot ng P1 bawat litro ang matapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Kung pagbabasehan umano ang naging galaw ng oil trading sa world market nitong nakalipas na apat na araw (October 17 to 20), sinabi sa GMA News Online ng oil industry source na maaaring mabawasan ang presyo ng diesel ng mula P0.40 hanggang P0.70 per liter.
Habang posibleng umabot naman ang tapyas sa presyo sa gasolina ng P0.20 hanggang P0.50 per liter.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, Oil Industry Management Bureau (OIMB) Director Rino Abad nitong Biyernes, sinabi ng opisyal na mataas ang indikasyon na magkakaroon nga ng rollback sa susunod na linggo.
Posible rin umanong hindi aabot sa P1 per liter ang magiging bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa opisyal, kabilang sa posibleng dahilan ng fuel price rollback ay ang pagdududa ng global market kung babawasan ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang produksyon nila ng langis ng dalawang milyong bariles sa susunod na buwan.
Nito lang nakaraang Martes, October 18, nagpatupad ng fuel price hike ang mga kompanya ng langis na umaabot ng P0.80 per liter sa gasolina, P2.70 per liter sa diesel, at P2.90 per liter sa kerosene.
Mas mataas naman ang itinaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na ipinatupad sa sinundan nitong linggo. Sumipa ang halaga ng diesel dahil sa dagdag na P6.85 per liter. Habang P1.20 per liter sa gasolina, at P3.50 per liter sa kerosene. —FRJ, GMA News