Namatay na sa New Bilibid Prison (NBP) ang bilanggo na sinasabing "middleman" at inaasahang makapagtuturo kung sino ang mastermind sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang nagbalita tungkol sa pagkamatay ng sinasabing middleman sa pagpatay kay Lapid, o Percival Mabasa.
“Nakita namin totoo nga na namatay, may namatay na tao. So immediately it’s really the NBI and the autopsy that’s very important,” ani Remulla.
Pumanaw umano ang naturang middleman noong hapon ng Oktubre 18 sa ospital ng NBP, ilang oras matapos dumaing na hirap itong makahinga.
Kinilala ang naturang bilanggo na si Crisanto Palana Villamor Jr.
Sa nabanggit na araw din iniharap ng pulisya sa mga mamamahayag si Joel Escorial, ang sumuko at nagpakilalang gunman o bumaril kay Lapid.
Sa naturang araw, sinabi ni Escorial na isang tao na nasa Bilibid ang kumontrata sa kanila para patayin si Lapid.
Sa extrajudicial confession umano ni Escorial, sinabi nito na si Villamor, o Idoy, ang nag-utos sa kanila na patayin si Lapid kapalit ng P550,000.00.
Isang Christopher Bacoto alias Yoyoy, at kilala rin bilang Jerry Sandoval, ang kumausap daw sa iba pa niyang nakasama sa pagpatay kay Lapid na sina Israel at Edmon Dimaculangan, at isang alyas Orly/Orlando.
Iniutos na ang mas malalim na imbestigasyon tungkol kina Villamor at Bacoto.
Nadismaya naman ang kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa, sa pagkamatay ng umano'y middleman na inaasahan ng pamilya na magiging tulay para makilala ang mastermind sa pagpatay sa biktima.
"Ito'y nagpapatunay na mayroong malawakang sabwatan na nangyayari dito sa pagpatay sa aking kapatid. Magiging stumbling block ito du'n sa pag-usad ng kaso. Saan na aabot yung kaso kung walang middleman na magtuturo du'n sa mastermind," saad ni Roy, na umaasang may mananagot sa nangyari
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ng DOJ, NBP, at pulisya, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News