Kinumpiska ng mga awtoridad ang iba't ibang uri ng mga mishandled na karne, kabilang ang mga frozen meat na iniimbak sa isang marumi at iniipis nang bodega sa pamilihang bayan sa Parañaque City.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, sinabing karamihan sa mga karne ay mga hot meat at walang permit na kinumpiska ng Parañaque City Veterinary Services Office (VSO).

Makikita na pinamahayan na ng ipis ang isang bodega na imbakan ng frozen meat. Sa labas naman, gumagapang din ang mga ipis sa mga upuang katabi ng mga tindang karne ng baboy.

Bukod dito, sobrang dumi rin ng paligid ng tindahan, mula sa flooring hanggang sa freezer.

"Sobrang dumi. It violates 'yung Sanitation Code at ang ating Meat Inspection Code of the Philippines, at mishandled po ang mga karne," sabi ni Dr. Karen Vicencio, city veterinarian ng Parañaque City.

"Overloaded, bagsak sa temperature and hindi maganda 'yung pag-manage nila ng housekeeping nila," dagdag ni Vicencio.

Nagpresenta ng permit ang may-ari na si Elizabeth Martinez, pero permit pala ito para sa isang bakery.

May nakalagay lang umanong "other meat products" na ibinibenta ang may-ari.

Iginiit ng VSO na dapat hiwalay ang permit ng bakery at ng meat shop.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na sinita ang tindahan ni Martinez.

Kinumpiska ng VSO ang lahat ng tinda ng may-ari at pansamantalang isinara ang kaniyang tindahan para sa total renovation.

Makababalik lang sa operasyon ang tindahan kapag nakasunod na sa mga requirement ng VSO.

"Hindi ko lang po talaga na-monitor. Bukas po, aayusin ko muna, ipa-renovation ko," sabi ni Martinez.

Hinarang din at hindi pinalagpas ng VSO ang ilang nagde-deliver ng karne, tulad ng lalaki na sakay sa kolong kolong ang mga karne ng baka at kalabaw.

May naipresentang permit ang lalaki mula sa National Meat Inspection Service, pero para lamang ito sa karne ng baka at hindi kasama ang carabeef.

"Kaya namin ito nasita dahil meron siyang alterations, incorrect na entry tsaka mali na entry sa kaniyang meat inspection certificate. And at the same time hindi rin hygienic 'yung handling nu'ng mga karne. Marumi and wala rin silang meat inspection certificate," sabi ni Vicencio.

Sinabi ng VSO na dapat nakalagay ang mga ide-deliver na karne sa closed van na may tamang temperatura.

Samantala, wala talagang permit na dala ang iba pang nakumpiska.

Dadalhin ang lahat ng nakumpiskang karne sa isang pound para sunugin at hindi na maibenta at makain ng publiko. —Jamil Santos/KG, GMA News