Sumuko na sa awtoridad ang umano'y gunman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos nitong Martes.

"Ngayong umagang 'to, gusto ko lang ikumpirma na nasa kustodiya na ng PNP (Philippine National Police) itong suspek na ang pangalan ay Joel Estorial. Siya ay of course taga-Quezon City,” ani Abalos sa isang press conference.

Pangamba raw sa sariling kaligtasan ang dahilan ng pagsuko ni Estorial, na isang residente ng Quezon City, ayon kay Abalos.

“Ang initial report ay siya ay sumurrender out of fear for personal safety dahil natakot siya sa kanyang safety niya dahil pagkatapos ilabas sa publiko ang kanyang mukha,” sabi ni Abalos.

Matatandaang binaril si Lapid, o Percival Mabasa sa tunay na buhay, noong gabi ng Oktubre 3 habang papauwi sa kaniyang bahay sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City.

Si Lapid ay host ng online broadcast program na "Percy Lapid Fire" sa DWBL 1242 at kolumnista sa diyaryong Hataw.

Bago sumuko si Estorial, umabot sa P6.5 milyon ang iniaalok na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek sa pagpatay kay Lapid.

Iba pang mga suspek

Kinilala ni Estorial, na ipinrisenta sa briefing, ang kaniyang mga kasabwat na sina Edmon at Israel Dimaculangan, at isa pang nagngangalang Orlando o Orly. Sinabi ni Estorial na hindi niya alam ang apelyido ni Orlando.

Tinutugis pa sa ngayon ang magkakapatid na Dimaculangan, na mula sa Las Piñas City, at si Orlando. Ipinakita ni Abalos ang larawan ng tatlo.

Ayon kay Estoral, nagmula sa New Bilibid Prison (NBP) ang utos ng pagpatay kay Lapid, at may kumontrata sa kanila mula sa kulungan para isagawa ito.

“Galing po sa loob… sa Bilibid po," sabi ni Estorial nang tanungin ni Abalos kung saan nagmula ang utos.

Sinabi ni Estorial na siya ang bumaril kay Lapid.

“Ang usapan namin doon, kung sino ang matapat doon sa Percy, siya ang babaril. Nagkataon po na natapat sa akin. Sabi naman po kapag 'di ko binaril ako po ang papatayin kaya binaril ko na po si Percy,” sabi ni Estorial.

Sinabi ni Abalos na nagbigay na si Estorial ng extrajudicial confession, at pinabulaanan ang mga posibleng espekulasyon na panakib-butas lamang ang suspek.

Ayon pa kay Abalos, nagtugma sa ballistic examination ang baril ni Estorial at isang bala na natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.

Bukod dito, nabawi rin ang mga damit ng gunman na nakitang suot niya sa CCTV footage, bagama't ginupit na ito para magkapira-piraso.

Humingi ng tawad si Estorial sa pamilya ni Lapid at sinabing hindi niya intensyong patayin ang mamamahayag.

"Sana po mapatawad po ako nila. Hindi ko naman kagustuhan 'yun," anang suspek.

Pinagbawalan ng pulisya na magbigay ng karagdagan pang tanong ang media kay Estorial, at sinabing nagsasagawa pa ng follow-up operation.

Samantala, itinuturing ng National Union of Journalists of the Philippines ang pagkakaaresto ng gunman bilang isang positibong pagsulong para sa pananagutan sa pagpaslang kay Lapid.

"We hope that this arrest will lead to the identification, arrest and prosecution of whoever ordered and paid for the killing of our colleague," saad ng NUJP.

"Accountability in this case will help chip away at the culture of impunity around journalist killings that media, civil society and government agencies have been working to change," dagdag ng NUJP. —Jamil Santos/KBK/KG, GMA News