Arestado ang tatlong lalaki sa Maynila matapos umanong magpanggap na traffic enforcer at mangotong sa isang driver, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.
Nakuha mula sa tatlo ang mga pekeng uniporme ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at ang P1,000 na nakuha nila mula sa pinarang driver.
Huli sa aktong nangingikil umano ang tatlo sa kahabaan ng Road 10 sa Maynila.
Ayon sa pulisya, ilang sumbong na ang kanilang natanggap hinggil sa operasyon ng mga suspek.
"Sumulat ang MTPB ng lungsod ng Maynila kung saan may mga reklamo sa kanilang opisina na meron daw mga nagpapakilalang personnel ng MTPB, nakunan pa ng picture at pinadala sa amin," ani Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., hepe ng Raxabago Police Station.
"So nag-conduct ng surveillance at ito nga ay nagresulta sa pagkakahuli," dagdag pa niya.
Kinilala ang tatlong suspek na sina Mark Buzeta, Almario Duque at Jericho Estares.
Ayon kay Ibay, kadalasan gabi kung mambiktima ang grupo.
"Pag nakita nilang nag-violate hahabulin nila at paparahin nila. Yung iba naman tumatayo malapit sa traffic light at ganun din ang ginagawa nila. At the same time, 'yung mga naka-illegal park din along Road 10, 'yun din ang mga dinadaanan nila para makapag-extort sila," ani Ibay.
Mahigit dalawang taon na raw namamataan ang grupo sa lugar. Sa katunayan, apat na beses na raw nahuli si Buzeta sa kaparehong kaso.
Aminado naman si Jericho Estares sa krimen habang tikom ang bibig ng dalawa niyang kasamahan.
Mahaharap ang tatlo sa kasong robbery extortion at usurpation of authority. —KBK, GMA News