Patay ang isang senior citizen at sugatan ang dalawa pa matapos silang masagasaan ng nagdire-diretsong fire truck na rumesponde sa isang sunog sa Makati City.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, makikita sa isang video na nakatayo ang mga tao at bumbero sa kalsada ng Barangay Guadalupe Viejo para respondehan ang apoy.

Pero ilang saglit lamang, nagdire-diretso ang fire truck ng Barangay Poblacion hanggang sa masagasaan ang mga residente.

"Pababa 'yung kalsada, binigyan ng kalso pero ang problema, noong bumaba itong driver para kunin 'yung hose at tumulong sa pagpatay ng sunog, biglang umabante itong firetruck," sabi ni Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police.

"Totally tapos na 'yung scenario ng sunog. Tapos bigla biglang mga two to five minutes, meron nang truck… pababa. Paghatak ko doon sa isang fire volunteer… masyadong malaki pong tao kasi 'yun eh. Pag-ikot ko sa kaniya para maililigtas ko sana siya, hindi na kinaya ng kaliwang kamay ko," sabi ni Melvin de Vera, isa sa mga saksi.

Kinilala ang senior citizen na pumailalim sa truck na si Florencio Balaoing Jr., na tumulong pa sa pag-apula sa sunog.

Pumanaw ang senior citizen sa ospital.

Isinugod naman sa ospital sina Rita Roxas at Relin Azuelo, na nagkaroon ng mga bali sa katawan. Kailangang maoperahan ni Azuelo.

Sumuko sa mga awtoridad ang driver ng fire truck na si John Polinar Orbeta. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

Pinag-iisipan ng pamilya ni Balaoing kung magsasampa sila ng reklamo sa suspek o makikipag-areglo. Gusto rin ng asawa ni Azuelo na sagutin ng suspek ang pagpapaopera sa biktima.

Iimbestigahan pa ng pulisya kung may problema ang fire truck. — Jamil Santos/VBL, GMA News