Bumaba umano ang bilang ng mga young adult na Pinoy na naninigarilyo at umiinom ng alak, ayon sa isang pag-aaral. Ang itinuturong dahilan, alamin.
Sa ulat ni Bam Alegre sa “Unang Balita”, sinabi sa pag-aaral na isinagawa ng UP Population Institute noong 2021, na bumaba sa 12% ang mga kabataang naninigarilyo noong 2021, kumpara sa 20% noong 1994 –2013.
Dagdag pa ng pag-aaral, 41% naman ng mga naninigarilyo ang nilimitahan na ang kanilang bisyo kumpara noong bago tumama ang pandemya sa bansa.
Tatlo sa bawat apat na naninigarilyo naman ang nais huminto kumpara bago tamaan ng pandemya ang bansa, ayon pa sa datos.
Sa pag-inom naman ng alak, mula sa halos 40% na tumotoma mula 1994–2013, 29% na lang ang bilang nito pagsapit ng 2021.
Samantala, 45% naman ng mga umiinom ang nagbawas din ng intake ngayong pandemya, dahil na rin sa mga liquor ban noong may lockdown.
Ang isa sa mga itinuturong dahilan, ang kaliwa’t kanang pagtaas presyo ng mga bilihin at iba pang serbisyo.
Ayon kay Kevin Tolentino, isang BPO employee, napansin niya sa mga kapwa niya young professionals na wala na silang halos budget para sa bisyo.
“Absolutely kasi ‘yung ano natin, eh kailangan mong magtipid. Talaga nale-less ‘yung mga likes, hobbies mo o bisyo or something. Talagang kinakailangan mong i-minimize kasi mas need natin ‘yung essentials eh. Kasi ‘yun ang napansin ko talaga. Kahit ako sa sarili ko, talaga ni-less ko yung pag-smoke then pinalit ko is vape,” ani Tolentino.
Ang team leader naman na si John Paulo Gonzales, batid na malaki ang naging epekto ng pandemic kaya mistulang naupos ang budget ng mga kaedad niya sa yosi at inuman.
“Usually, kasi dati talagang mataas ang trend noon so simula nang mag-pandemic, parang marami na rin kasi ‘yung mga nagbabawas na talaga… kasi kung papansinin mo medyo, humirap din kasi talaga ang buhay,” sambit ni Gonzales.
Para naman kay Ezequiel Chinlee na isa ring BPO employee, malaking dahilan sa pagbabawas ng bisyo ng mga Pilipino ang pagiging health conscious.
“Meron sir kasi health is wealth. At saka lalo na pang-gabi kami [sa trabaho] so binabawasan namin yung bisyo para iwas sakit din,” aniya.
Sa datos ng Young Adult Fertility and Sexuality Study noong 2021, sa bawat sampung young adult mayroong tatlong umiinom, isang naninigarilyo at halos walang gumagamit ng iligal na droga. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News