Itinuturing na milagro ang pagkakaligtas ng isang tatlong-taong-gulang na babae na mahimbing na natutulog habang natatakpan ng kumot sa sulok ng silid-aralan sa isang nursery center sa Thailand--ang lugar ng madugong masaker kung saan mahigit 30 katao ang nasawi, kabilang ang 22 bata, nang magwala ang isang dating pulis.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng pulisya na tanging ang batang si Paveenut Supolwong, tinatawag na "Ammy," ang hindi nasugatan nang mamaril at manaksak sa nursery center sa Uthai Sawan ang dating pulis na si Panya Khamrap.

Matapos ang masaker sa nursery center, sinabi sa ulat na umuwi si Panya kung saan niya binaril at pinatay din ang kaniyang asawa at anak, bago naman siya nagbaril sa sarili.

Pero habang papauwi, mayroon pang sinagasaan si Panya at may binaril din na kapitbahay.

Ayon sa mga magulang ni Ammy, hindi umano sadyang madaling makatulog ang kaniyang anak. Pero nang mangyari ang karumal-dumal na krimen, mahimbing ang tulog niya.

"My kid is not a deep sleeper," ani Panompai, ina ng bata. "I believe there must be some spirits covering her eyes and ears. We have different beliefs, but to me, I think it protected my kid."

Nang magising na si Ammy, nakaalis na si Panya at may mga tao nang rumesponde sa insidente.

Kaagad na binalutan muli si Ammy ng taong bumuhat sa kaniya upang hindi niya makita ang sinapit ng mga kapuwa niya bata at ng kaniyang guro na pinaslang ni Panya.

Hindi rin nakaligtas ang kaniyang matalik na kaibigan na dalawang taong gulang lang na katapat niyang natutulog.

Gayunman, ipinaalam na rin ng pamilya kay Ammy na wala na ang kaniyang kaibigan at guro, nang magtanong ito sa kaniyang lola kung bakit hindi sinundo ang kaniyang kaibigan sa eskuwelahan.

Sa kaniyang kamusmusan, hindi pa lubos na batid ni Ammy ang matinding karahasan na sinapit ng mga kasama niyang bata sa nursery center, at kung gaano siya kapalad.--Reuter/FRJ, GMA News