Nagtatrabaho noon bilang isang kargador sa palengke, nagpursigi ang isang lalaki sa kaniyang hilig sa pagsasayaw at tinupad ang pangarap na maging isang ballet dancer.

Sa Make Your Day, makikita ang pino at matayog na tindig sa ballet ni Carlo Padoga, na ikinabilib ng maraming audience.

"Nakilala ko 'yung ballet dahil sa isang show. After ng show, tuwang-tuwa ako sabi ko 'Balang araw sasayaw ako doon,'" sabi ni Padoga.

Teenager pa lang si Padoga nang tulungan niya ang kaniyang ina sa pagtitinda sa palengke.

Naalala pa ni Padoga ang paghihirap ng kaniyang mga magulang para matustusan ang kanilang pangangailangan.

Dahil dito, nagdesisyon si Padoga na gamitin ang kaniyang talento sa pagsasayaw para matulungan ang kaniyang mga magulang sa gastusin.

Nagpursigi si Padoga para makakuha ng scholarship sa isang ballet school.

"Hindi ko na inisip na iwan ko 'yung pamilya ko, paano na 'yung pag-aaral ko. Ang sabi ko lang, 'Yes po, gusto kong sumayaw,'" ani Padoga.

Noong 2016, sumali si Padoga sa Ballet Philippines, isang prestihiyosong ballet company sa bansa.

Ngayon, nakapupunta na si Padoga sa iba't ibang lugar na pinangarap niya lamang mapuntahan noong bata pa siya.

"Nakaya ko, nagawa ko na galing ako ng province, ngayon andito na ako. Kaya din nila. Huwag lang silang matatakot na mag-take risks. And kung gusto talaga nilang sumayaw, ituloy nila 'yon," payo ni Padoga sa mga nangangarap maging ballet dancer. —LBG, GMA News