Patay na nang matagpuan ang apat na miyembro ng pamilya--kabilang ang isang sanggol na walong-buwang-gulang--ilang araw makaraan silang dukutin ng armadong lalaki sa Merced, California, USA.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nitong nakaraang Lunes nang dukutin sa tanggapan ng kanilang trucking business ang mag-asawang Jasleen Kaur at Jasdeep Singh, ang anak nilang babae, at si Amandeep, kapatid ni Jesdeep.
Sa kuha ng CCTV camera sa labas ng negosyo ng pamilya, nakita ang pagdating ng suspek pero nakatakip ng face mask ang mukha nito.
Sa isa pang video, nakita na unang inilabas ng salarin na tila armado ng baril ang makapatid na Singh, na may tali ang mga kamay, at isinakay sa pickup truck.
Sunod namang kinuha ng salarin ang mag-ina.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Merced County Sheriff Vern Warnke, ang malungkot na balita tungkol sa pagkakakita sa mga labi ng mga biktima sa isang rural area.
Isang farm worker umano ang nagreport sa mga awtoridad nang matuklasan nito ang mga labi ng mag-anak.
Bago nito, nanawagan pa sa publiko ang mga kaanak ng mga Singh na tulungan silang mahanap ang nawawala mga biktima.
Nasa kostudiya naman ng mga pulis ang suspek na si Jesus Manuel Salgado. Pero nasa ospital ito makaraang magtangka umanong magpakamatay.
Una rito, naging person of interest sa kaso si Salgado matapos maitimbre sa mga awtoridad na may gumamit sa ATM card ng biktima.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may ibang kasama si Salgado sa krimen.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang motibo ng salarin sa krimen pero hinihinala nila na may kaugnayan ito sa pera.--Reuters/FRJ, GMA News