Patay ang isang babaeng HR officer ng pabrika sa Caloocan City nang pagbabarilin siya ng mga salaring sakay ng motorsiklo pagkalabas niya sa trabaho.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Flordeliza Saavedra, 48-anyos, na dead on the spot matapos ang pamamaril sa Mindanao Extension, boundary ng Valenzuela at Caloocan nitong Miyerkoles ng hapon.
Ayon sa kuwento ng mga kaopisina ni Saavedra, nakaangkas ang biktima sa motorsiklo ng isa pa nilang katrabaho nang lumabas sila sa pabrika.
Pero bigla silang pinara ng mga suspek na sakay din ng motorsiklo, saka pinaulanan ng bala.
"Magkaangkas sila sa motor eh, pati 'yung inangkasan niya may tama rin, nasa ospital na nga eh," sabi ng ina ng biktima na si Valeriana.
Narekober ng SOCO ang walong basyo ng bala.
Naulila ni Saavedra ang mister at apat nilang anak.
Duguang nakahandusay ang biktima nang abutan ng kaniyang inang si Valeriana.
"Walang kaaway na tao 'yang anak ko, maski itanong niyo sa mga kaopisina niya. Talagang napakabait niyan," sabi ng ina ng biktima.
Idinagdag niya na matulungin at namimigay pa ng groceries tuwing Pasko sa mga tenant ng paupahan nito ang kaniyang anak.
Noon namang pandemya, namigay pa ang biktima ng kaban ng mga bigas.
"Ganyang matulungin ang anak ko. Kaya hindi ko matanggap na ganiyan lang ang naging kamatayan niya. Kung namatay lang siya sa sakit kaya kong tanggapin. Eh pinatay, ang hirap tanggapin," anang ina ng biktima.
"Bilang isang HR, mabait siya kaya wala kaming nakikitang motibo tungkol doon sa pag-handle ng kaniyang trabaho," sabi ng katrabaho ng biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News