Hinuli sa loob ng isang sabungan ang isang AWOL na pulis na sangkot sa kasong pagnanakaw sa Maynila.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si PO1 Edward Salamat Jr., na na-korner ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong robbery noong 2013.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wily Sy, hepe ng Regional Special Operations Group-National Capital Region Police Office (RSOG-NCRPO), na-monitor nila sa kanilang case build-up na nagpupunta ang suspek sa sabungan kada katapusan ng linggo.
Dagdag ng NCRPO, kabilang si Salamat sa mga pulis na ipinatawag noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa iba't ibang uri ng paglabag.
Dagdag ni Sy, aktibo pang pulis si Salamat at nakauniporme pa umano nang gawin ang pangho-holdap sa mga biktima, kung saan nakuha niya ang halos P30,000.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na hinainan na ng tatlong warrant of arrest. —Jamil Santos/LBG, GMA News