Naospital ang isang bata matapos mapasukan ng garapata ng aso ang kanyang tainga.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, sinabi ng ina ng bata na itinuring ng kanyang 8-anyos na anak ang kanilang alagang aso na kapatid niya. Katabi pa umano ang aso sa kanyang pagtulog.
Pero nung makapanood daw ang ina ng palabas hinggil sa isang tao na pinasukan ng garapata ang tainga, napaisip daw siya dahil minsan may nakita siyang garapatang gumagapang sa likod ng tainga ng kanyang anak.
Agad daw niyang sinilip ang tainga ng kanyang anak at nakitang may maliliit na garapata sa loob ng magkabilang tainga.
Agad daw niyang dinala sa ospital ang bata upang malapatan ng paunang lunas. Maayos naman daw ang lahat, ayon sa ulat.
Ngunit ngayong taon, napasukan na naman daw ng garapata ang tainga ng bata. Kaya itinakbo niya uli sa ospital ang anak.
Ayon sa doktor, delikado ang ganitong insidente dahil maaaring mabutas ang eardrums o pedeng ma-infect.
Kung masyado na umanong matagal na may infection sa tainga, maaaring humina ang pandinig.
Payo ng doktor, dapat maingat ang mga magulang sa mga senyales na may iniinda ang bata sa loob ng kanilang tainga.
Ayon sa isang beterinaryo, sadyang naghahanap talaga ng alternate host ang garapata, at pedeng tumgal ito ng six months na hindi kumakain. —LBG, GMA News