Hindi nakakamit sa ngayon ang layunin na makakuha ng trabaho ang mga nagtatapos ng K to 12 program. Gayunman, patuloy ang isinasagawang pagsusuri ng Department of Education (DepEd) sa programa.
Inihayag ito ni DepEd spokesperson Michael Poa nitong Biyernes sa pulong balitaan nang tanungin kung ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng Senior High School curriculum sa harap ng isinasagawang pagrepaso sa programa.
“Ang direksyon po kasi natin sa senior high schools is not itutuloy or hindi itutuloy,” saad niya.
“Because yung promise po ng K to 12 is that when our learners graduate after Grade 12 they are employable pero hindi po nangyayari 'yan sa ngayon,” patuloy niya.
Ayon kay Poa, ang direksyon ng Senior High School program ay maihanay ang itinuturong kasanayan, lalo na sa technical at vocational, batay sa pangangailangan ng industriya.
Sisimulan umano ng DepEd ang pagrepaso sa Grade 11 at 12 curriculum sa Nobyembre.
Samantala, natapos na umano ang pagrepaso sa curriculum ng Kindergarten hanggang Grade 10. Nagsasagawa na ang DepEd ng konsultasyon tungkol dito.—FRJ, GMA News