Tila nagayuma raw ang dalawang biktima at natangayan ng pera ng isa umanong online manghuhula at mangkukulam. Ang isa sa mga biktima, nawalan ng mahigit P1 milyon kapalit ng mga ritwal at sinasabing mga anting-anting mula sa suspek.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng biktimang itinago sa pangalang "Faye," isang overseas Filipino worker, mahigit isang taon siyang naloko ng suspek.
“’Yung yung sinasabi niya kasi nga may protection… Na in case raw po sa kulam, gayuma... Masakit po sa masakit. Nagtiwala ka and everything tapos ikaw pa 'yung... Nanakot pa po sila,” ayon kay Faye.
Sinabi naman ng isa pang biktima na si Elvie, hindi rin tunay na pangalan, nagbabayad siya ng nasa P60,000 para sa mga bagay na katulad ng mga bato, anting-anting, gayuma, at manika.
Napilitan daw siyang bumili ng mga naturang gamit dahil nangako ang suspek na tutulungan sila ng kaniyang pamilya sa kanilang problema.
“Nahulog lang ako kasi parang lahat ng mga charms na sinasabi niya, mga rituals, gawin mo 'to. Hanggang sa naano ko na lang naubos na yung pera ko sa tatlong bangko ko na naipon,” kuwento niya.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), nakikisakay lang ang online seller sa panggagamot at panghuhula para maibenta ang kanilang mga produkto.
“Nagsisimula engagements nila sa would be victims using itong mga popular social media sites. And then may mga online sites din silang ibinabato kung nasaan nandoon yung mga, basically mga scam items na ibebenta nila,” paliwanag ni NBI Cybercrime Division Chief Supervising Agent Chris Pas.
Makikipagtungan daw ang ahensiya sa sangkot na social media sites para matukoy ang pagkakakilalan ng mga suspek.
“Magkakaroon tayo ng pakikipag-ugnayan sa mga social media sites na ginagamit nila para makuha natin. Magkakaroon tayo ng requests for preservation ng digital evidence and of course, immediate deletion. Itong mga bogus na profile page nito,” ani Pas.
“Maging mapanuri tayo dahil naglipana po ang mga scammers online. And again, sinasamantala po nila yung kahinaan ng mga would be victims nila para magtake advantage,” payo rin ng opisyal. —FRJ, GMA News