Lumaylay ang mga kable sa may Katipunan Avenue sa Quezon City matapos sumabit ang isang truck, at naapektuah ang daloy ng trapiko sa lugar madaling araw nitong Huwebes.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, inabisuhan ang mga motoristang dadaan sa panulukan ng CP Garcia Ave. at Katipunan Ave. dahil may nakalaylay na communication at internet cables sa kalsada.
Sumabit umano ang isang truck bandang alas-dos y media ng madaling araw kaya nahatak ang mga kable.
Naputol pa umano ang ibang kable kaya lumaylay ang mga ito.
Sinabi ng mga rumespondeng traffic enforcer ng MMDA na hindi na raw nila inabutan ang truck, at ine-report lamang umano sa kanila ang isidente ng napadaang motorista.
Nagresulta ang insidente sa pagsara ng apektadong lane, at isa na lamang ang madadaanan ng light vehicles na manggagaling sa Katipuna Ave. southbound, pakanan sa CP Garcia Ave.
Sa oras ng pagbabalita, hindi na apektado ang daloy ng trapiko papasok sa CP Garcia Ave. pero nananatili pa ring nakalaylay ang mga kable.—LBG, GMA News