Patay ang 15 katao at sugatan ang 24 iba pa matapos mamaril ang isang gunman na may disenyong Swastika sa damit sa isang paaralan sa Russia.
Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Martes, sinabing kabilang sa binaril ng gunman ang 11 bata, dalawang guro at dalawang security guard, ayon sa Russian Investigative Committee.
Matapos nito, pinatay din ng suspek ang kaniyang sarili.
Dinala sa ospital ang mga sugatan.
Lumabas sa imbestigasyon na dating mag-aaral sa paaralan ang suspek.
Natagpuan naman sa kaniyang sasakyan ang mga baril at bala.
Iniimbestigahan kung may kaugnayan ang gunman sa mga Neo-Nazi dahil sa Swastika na nakita sa kaniyang kasuotan.
Ang Swastika ay simbolo ng Nazi Germany na responsable sa pagpatay sa anim na milyong Hudyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Kinondena ni Russian President Vladimir Putin ang pagpatay. — Jamil Santos/VBL, GMA News