Nilimas ng scammer ang mobile wallet na naglalaman ng donasyon para sa 63-anyos na street sweeper na nasagasaan sa Parañaque kamakailan, ayon sa anak ng biktima nitong Martes.
Sa panayam ng Unang Balita, sinabi ni Jade Bucas na aabot sa P76,000 ang nakuha ng scammer mula sa donasyon para kaniyang ina na si Doreen Bacus, na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
“Lahat ng donasyon sa GCAsh po is na-scam po,” ani Jade.
Dagdag pa niya, nagpanggap ang scammer na kinatawan ng isang charity na gustong tumulong sa kaniyang ina.
“Napakabilis po kasi ng pangyayari. Ang galing po magsalita nung babae. Sabi niya po tutulong po siya, taga-charity daw po siya. Tsaka napanood daw niya po yung video ni mama kaya gusto daw nilang makatulong,” sabi ni Jade.
Naisumbong na ng pamilya ang insidente sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police.
Matatandaang nabundol at nagulungan ng isang sports utility vehicle (SUV) si Doreen kamakailan habang nagwawalis sa kalye sa panulukan ng Elizarde at Aguirre Avenue sa Barangay BF Homes.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagdating ng SUV na minamaneho ni Raymond Sapirain at dire-diretsong nabangga ang biktima at nagulungan. Hindi tumigil ang SUV at naiwang nakahandusay sa gilid ng daan ang biktima.
Ayon sa pulisya, naharang ng mga security guard ng subdibisyon ang driver at dinala sa pulisya.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at tenga ang street sweeper, ayon sa kaniyang anak.
“Yung sa ulo niya po is bumuka po kasi yung sa ulo niya kaya tinahi po doon. Tsaka yung sa tenga niya is natanggal po kaya ngayon po ngayon yung schedule niya para sa tenga niya para masarado at lalagyan ng artificial na tenga,” ani Jade.
Ayon pa kay Jade, nakausap na niya ang driver ng SUV. Lagi rin daw pumunta ang pinsan ng driver sa ospital para alamin ang pangangailan ng kaniyang ina. —Joviland Rita/KBK, GMA News