Limang miyembro rescue team sa San Miguel, Bulacan ang nasawi dulot ng flash flood sa Barangay Camias habang nananalasa ang Super Typhoon "Karding" nitong Linggo ng gabi.
"Meron tayong casualty na lima. Lima po, ating PDRRMO (Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office) galing probinsya, mga nag-rescue. Sila po ang namatay dahil tumama po doon sa pader," ayon kay San Miguel Mayor Roderick Tiongson sa public briefing nitong Lunes.
Sa spot report mula sa Central Luzon regional police, kinilala ang mga biktima na sina Narciso Calayag, Jerson Resurecion, Marvy Bartolome, George Agustin at Troy Justin Agusin.
Sa panayam ng GMA News’ Unang Balita, sinabi ni Bulacan Governor Daniel Fernando, na apat sa llimang biktima ang kaagad nakuha, habang hinahanap pa ang isa.
"Actually, lima 'yan. Apat na ngayon ang confirmed dead. Mga ano natin 'yun, team natin sa PDRRMO. Mga empleyado po natin 'yun," anang gobernador.
Kinalaunan, nakita na rin ang ikalimang biktima na dinala na rin sa punerarya.
Ayon kay Fernando, sakay ang mga rescuer ng bangka patungo sa kanilang misyon nang magkaroon ng flash flood at nabagsakan sila ng pader.
Tiniyak ng gobernador ang tulong na ibibigay sa pamilya ng mga nasawi.
Nasa 2,000 katao umano ang dinala sa evacuation centers dahil sa ulan at pagbaha na dulot ng bagyo, ayon kay Fernando.—FRJ, GMA News