Isang lalaki ang arestado matapos tangayin ang taxi na kaniyang sinakyan sa Maynila. Ang suspek na aminadong lango sa alak at droga, unang hinoldap ang driver ng taxi na nagawang makalabas at iniwan na lang ang sasakyan.
Sa ulat ni Daylene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Aifel John Misador, na nasakote sa bahagi ng Blumentritt sa Maynila nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, Commander, Sta Cruz Police station, sumakay si Misador sa taxi ng biktima sa 5th Avenue sa Caloocan.
Nagpahatid ang suspek sa Retiro sa Quezon City. Pero pagsapit nila sa A. Bonifacio Avenue sa Maynila, nagdeklara ng holdap ang suspek at tinutukan ng patalim ang driver.
Pero nagawang makalabas ng taxi ang driver at iniwan na lang ang kaniyang sasakyan. Dito na pinatakbo ng suspek ang taxi at tuluyang itinakas.
Ayon pa kay Solas, isang motorcycle rider ang nakakita sa taxi driver at isinakay ito para dalhin sa pinakamalapit na checkpoit ng mga pulis para makapagsumbong.
Lumitaw na ilang minuto pa lang ang nakalilipas nang dumaan din sa naturang checkpoint ang taxi na minamaneho ng holdaper. Kaya hinabol ito ng mga pulis na nakasakay sa motorsiklo at naharang ang suspek.
Nakuha sa suspek ang patalim na ginamit na panakot sa driver ng taxi.
Aminado ang suspek sa ginawang krimen. Aniya, lasing siya sa alak at doga kaya hindi raw niya alam ang kaniyang ginawa.
Mahaharap ang suspek sa reklamong carnapping.--FRJ, GMA News