Arestado ang isang dating pulis-Quezon City na sangkot umano sa mga pagnanakaw.
Inaresto ang suspek matapos mahuli-cam na nanghablot ng cellphone.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, batay na rin sa kuha ng CCTV sa isang carwash shop, pumasok ang isang lalaking nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Salvacion.
Ilang segundo lang na nanatili sa loob ang lalaki at bumwelta agad palabas at pagkatapos ay bigla niyang hinablot ang cellphone ng isang babaeng nakatayo sa labas ng establisyimento.
Sa follow-up operation ng mga pulis sa Sampaloc, Manila, agad na naaresto ang suspek na si Jeffrey Calip na dating isang pulis.
Ayon sa mga pulis ng Quezon City Police District Station 1, hindi na sila nahirapang tuntunin ang suspek dahil may mga record na ito ng pagnanakaw mula noong 2020, pero nakakapag piyansa siya.
Nabawi mula sa suspek ang hinablot na cellphone na nagkakahalaga ng mahigit sa P60,000. May nakuha rin sa kanya na caliber .38 na baril at isang granada.
Taong 2012 ng mag-AWOL ang suspek at kalauna'y natanggal sa serbisyo. Umamin siya sa mga nagawang krimen.
Hinahanda na ng mga pulis ang kaukulang mga reklamo laban sa suspek na hawak ng mga pulis ng Laloma Police Station sa Quezon City. —LBG, GMA News