Nahuli-cam ang pagtigil ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo at pinipilit ang isang dalaga na sumakay sa kaniya sa Caloocan. Ang babae, sinabing nagpakilalang pulis ang lalaki.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Alma Jose Street sa Barangay 177, noong Linggo, Setyembre 4.
Sa kuha ng CCTV camara, nakuhanan ng video ang suspek na nakasakay sa motorsiklo ang paikot-ikot sa lugar. Maya-maya lang, sinundan na niya ang naglalakad na biktima.
Pagsapit sa kanto, bumaba ang suspek na nakasuot ng helmet at nilapitan ang dalaga.
“Sabi niya po, 'maraming masasamang tao dito, hatid na kita.' Sinabi na niya po, 'pulis ako.' Sabi ko ulit, hindi na po, magje-jeep na lang po ako. Dun na po niya ako hinablot sa braso tapos pinapasakay niya po ako sa likod niya po,” ayon sa biktima.
Pero hindi rin napilit ng suspek na sumakay ang biktima dahil makikitang may ibang tao na naglalakad sa lugar.
“Sa tingin ko sa tagal ko dito sa barangay namin, mukhang dayo lang siya. Ang tapang eh, maliwanag na, maga-alas sais,” ayon kay Barangay Councilor Artemio Acosta Jr.
Nagbigay naman ng hotline ang pulisya na maaaring tawagan ng mga tao kapag may emergency.
Nagpayo rin si Police Colonel Samuel Mina Jr., Caloocan City Police Chief, kung ano ang maaaring gawin sa mga naturang sitwasyon.
“Mag-create siya ng scenario na makaka-attract ng attention para hindi man agad maka-aksyon ang pulis ay may bystander tayo na responsable namang tutulong. Lalo na kung ang biktima ay bata o babae, maging alerto, maging mapagmatyag,” paalala ni Mina.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang pulisya tungkol sa insidente.--FRJ, GMA News