Pumasok na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng 22-anyos na si Jovelyn Galleno na sinasabi ng pulisya sa Palawan na ginahasa at pinatay ng sarili niyang pinsan. Ang isa sa mga suspek, nakalaya matapos makapagpiyansa.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nakapagpiyansa ang suspek na si Leobert Dasmariñas.
Tumanggi si Dasmariñas at ang kaniyang pamilya na magbigay ng pahayag.
Si Dasmariñas ang sinasabi ng pulisya ang umamin sa krimen at nagturo sa kinaroroonan ng mga labi ni Jovelyn sa Barangay Pulang Bato sa Puerto Princesa. Dito nakita ang mga kalansay at mga gamit ng biktima na noo'y mahigit dalawang linggo nang nawawala.
Nakuha umano ng mga awtoridad ang impormasyon matapos masaksak ni Dasmariñas ang pinsan din nito na si Jovert Valdestamon, makaraan na magkaroon sila ng mainit na pagtatalo.
Sa ulat ng "KMJS," iginiit ni Valdestamon na wala siyang kinalaman sa krimen at patutunayan niya sa korte na inosente siya.
"Sa mga tao na nagsasalita ng kung ano sa akin, bahala na sila. Dedepensa ko sarili ko at magpapagaling na muna ng karamdaman ko," ani Valdestamon.
Napag-alaman din na hindi kaagad nakapagdesisyon at nakapagsampa ng reklamo ang pamilya ni Jovelyn laban sa mga suspek na kanilang mga kaanak.
Pero sa huli, nakapagdesisyon din ang ina ni Jovelyn na si Jelyn na bigyan ng hustisya ang anak. Sa kabila ito ng pagdulog nila sa NBI upang magsagawa ng panibagong DNA test sa kalansay upang makumpirma kung mga labi nga ba ito ng dalaga.
"Sobrang sakit, sobra," saad ng ginang "Hindi ko akalaing hahantong sa ganun."
Tiniyak naman ng NBI na masusi nilang susuriin ang mga labi upang malaman ang katotohanan.
"Ang resulta ng DNA examination aantayin po natin ito. And while waiting nagwe-welcome din kami ng mga information at nagko-conduct pa rin kami ng investigation. Just in case na maiba yung result [ng DNA test] at least may ready na kami na mga move," ayon kay Cedric Caabay, Special Investigator III, NBI Palawan.
"Kapag nag-positive yung result ng DNA, magiging part ng evidence ng mga ipinile [file] sa fiscal ng mga kasamahan natin sa kapulisan. Kapag nag-negative [ang DNA result] 'yon ang medyo malalim na imbestigasyon ang kailangan nating gawin," dagdag ni Caabay. —FRJ, GMA News