Ginulantang ng matinding karahasan ang Canada matapos na manaksak ang dalawang lalaki sa Weldon, Saskatchewan. Sampu ang napatay at 15 ang iniwang sugatan ng mga nakatakas na salarin na pareho ang apelido.

Sa ulat ng Reuters, kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Damien Sanderson, 31-anyos, at Myles Sanderson, 30. Hindi binanggit sa ulat kung ano ang relasyon ng dalawa.

Wala pang malinaw na motibo kung bakit nanaksak ang dalawa. Pero sa "13 crime scene," naniniwala ang mga awtoridad na sadyang pinuntirya ng mga suspek ang ilan sa mga biktima.

Ang naturang insidente, ayon sa Reuters ay maituturing isa sa "deadliest mass killings in modern Canadian history."

"I am shocked and devastated by the horrific attacks today," ayon kay Prime Minister Justin Trudeau sa isang pahayag. "As Canadians, we mourn with everyone affected by this tragic violence, and with the people of Saskatchewan."

Sa inilabas na pahayag ng indigenous leaders sa lugar na pinangyarihan ng pag-atake, hinihnala nilang drug related ang krimen.

"This is the destruction we face when harmful illegal drugs invade our communities," ayon sa Federation of Sovereign Indigenous Nations, na kumakatawan sa 74 First Nations sa Saskatchewan.

Kabilang sa mga nasawi ang isa ginang na may dalawang anak.

Napag-alaman na noong pang Mayo ay pinaghahanap na ng Saskatchewan Crime Stoppers si Myles Sanderson. Pero hindi binanggit kung ano ang kaniyang kaso.

Lumitaw na sakay ng black Nissan Rogue ang dalawang salarin na namataan sa Regina City, tinatayang 320 km (200 miles) south na pinangyarihan ng pag-atake sa James Smith Cree Nation at Weldon, ayon sa pulisya.

"It appears that some of the victims may have been targeted, and some may be random. So to speak to a motive would be extremely difficult at this point in time," sabi ni Rhonda Blackmore, commanding officer ng Saskatchewan Royal Canadian Mounted Police.

Maaaring may iba pa umanong mga biktima ang dalawa, sabi pa ng awtoridad.

Pinag-iingat ng pulisya ang mga tao hanggang hindi pa nadadakip ang dalawa na itinuturing "armed and dangerous."—Reuters/FRJ, GMA News