Tinangka umanong dukutin ang isang 5-anyos na estudyante sa Quezon City ng isang lalaking nagpakilalang sundo niya sa eskuwela, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, shorts, bonnet at may dala-dala pang backpack sa paligid ng eskuwelahan.
"Nung tinatanong nung titser kung sino yung sundo nung biktima, sumagot yung suspek na siya raw yung kaniyang daddy. So nakuha niya yung bata," ani Police Lieutenant Colonel Von June Nuyda, hepe ng Novaliches Police Station.
Nabuking lang daw ang tangkang pagdukot nang umiyak ang bata at mamukhaan ang suspek ng magulang ng isa pang estudyante.
Nahuli ng mga taga-barangay at pulis ang suspek, na kinilalang si Michael Buenaventura.
Ayon sa isang security guard, bago ang insidente ay nakatanggap na sila ng reklamo na nangangatok umano sa mga bahay ang suspek para manghingi ng tulong kaya ito hinahanap.
May ilang magulang na rin daw na nagtuturo sa suspek na nagtangkang kunin ang kanilang anak.
Nahaharap si Buenaventura sa reklamong abduction in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Mariing itinanggi ni Buenaventura ang paratang sa kaniya.
"Hindi po totoo iyon. Hindi ko nga po nahawakan yung bata. Ang layo-layo ko," aniya.
Dagdag pa ng suspek, nagbibiro lang siya nang magpakilala siyang ama ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na dati nang nakasuhan ang suspek ng child abuse at nakulong dahil sa iligal na droga.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District si Buenaventura. —KBK, GMA News