Nakunan sa CCTV ang tangkang pagsalba ng isang rider sa kaniyang motorsiklo na naipit sa riles mula sa mabilis na paparating na tren sa Northern India.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, makikita ang pagkukumpulan ng mga rider sa isang riles para tumawid.

Ilang saglit pa, umatras ang mga rider dahil may dadaang tren.

Ngunit naiwan ang isang rider at naipit ang kaniyang motorsiklo sa riles.

 

Tinangka ng rider na alisin ang kaniyang motor, pero mabilis ang takbo ng tren kaya nahagip ito.

Wala nang nagawa ang rider kundi panooring masira ang kaniyang motor.

Ayon sa isang lokal na source, sinampahan ng kaso ng railway police officials ang rider. —Jamil Santos/LBG, GMA News