Patay sa saksak ang isang lalaki sa Tondo, Maynila  at ang suspek sa krimen ay ang dati umanong nobyo ng babaeng kinakasama ng biktima.

Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes na nangyari ang krimen sa Barangay 183, Gagalangin, Tondo noong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang biktima na si John Cyrus Buenafe, 22-anyos .

Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumitaw na natutulog ang biktima katabi ang isang babae nang bigla na lang pumasok ang suspek na si Eyrie Elgie Jacobe, na dating kinakasama ng babaeng katabi ng biktima sa pagtulog.

Nagalit daw si Jacobe nang makitang may katabing lalaki ang nobya.

Dun na inundayan ni Jacobe si Buenafe na nagtamo ng 14 na saksak sa katawan.

Naisugod pa umano sa ospital si Buenafe pero namatay din kalaunan.

Itinganggi ni Jacobe na hiwalay na sila ng girlfriend niya. Kaya nagdilim daw ang kanyang paningin nang makitang may katabing lalaki ang nobya.

Humingi ng tawad ang suspek sa mga kaanak ng biktima.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang reklamong homicide laban sa suspek. —LBG, GMA News