Nagtalaga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng mga bagong opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Kabilang dito ang dating mamamahayag at Cavite congressman na si Gilbert Remulla.
Kabilang si Remulla sa mga bagong Board of Directors ng Pagcor, kasama sina Francis Democrito Concordia, at Jose Maria Ortega.
Si Remulla ay kapatid nina Justice Secretary Crispin "Boying" Remulla, at Cavite Governor Jonvic Remulla.
Si Alejandro Tengco ang magiging bagong Chairman and Chief Executive Officer ng korporasyon, kapalit ni Andrea Domingo.
Magsisilbi namang Chief Operating Officer si Juanito Sañosa Jr.
Sa ilalim ng mandato nito, inaatasan ang PAGCOR na "to regulate the gaming industry, generate revenues for the Philippine government's socio-civic and national development programs, and help promote the tourism industry."
Una rito, sinabi ni Domingo, na kayang ng ahensiya na lumikom ng hanggang P65 bilyon na gross gaming revenues (GGR) ngayong 2022.
Batay sa datos ng PAGCOR, sa unang bahagi ng taon ay kumita na ang ahensiya ng P26.70 bilyon, mas mataas sa P15.88 bilyon na kinita sa unang anim na buwan ng 2021.--FRJ, GMA News