Iminungkahi ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Biyernes na magkaroon ng seminar para sa mga kongresista at senador tungkol sa wikang Filipino upang mas magamit nila ang pambansang wika sa kanilang talakayan sa Kongreso.
"Ang nakikita ko po rito marahil ay sa susunod na panahon, bigyan ng seminar workshop ang lahat ng mga kongresista, lahat ng mga senador nang unti-unti ay gagamitin nila ang pambansang wika sa kanilang talakayan sa Senado," saad ni KWF Commissioner Arthur Casanova sa isang punong balitaan nitong Biyernes.
Ang pagkakaroon ng seminar ang isa sa mga posibleng hakbang umano para mahikayat ang mga mambabatas na magsalita sa Filipino sa mga diskusyon sa Kongreso para mas maintindihan ng mas maraming Pilipino.
Komisyon sa Wikang Filipino Commissioner Arthur Casanova, sinabing hindi nakasasagabal ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa paglinang ng wikang Filipino; dapat sabay ang pag-unlad ng paggamit ng Filipino at Ingles @gmanews pic.twitter.com/kJr5tG4jfY
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) July 29, 2022
Ayon kay Casanova, marami sa mga pinuno ng bansa, tulad ng mga senador, ang nakapagtapos ng abogasya na wikang Ingles ang mas ginagamit.
"Kahit gustuhin nila na gumamit ng wikang Filipino, minsan nahihirapan sila," anang opisyal. "Kaya ang ating nakikita rito ay magbigay ng isang malawakang seminar workshop, komperensiya na ibibigay sa ating mga kongresista at mga senador nang sa ganoon ay kanilang mapaghalo ang paggamit ng wika at unti-unti na maging midyum ng talakayan sa Kongreso ay ang wikang Filipino."
Una rito, inamin ng bagong senador na si Senador Robin Padilla na nahihirapan siyang unawain ang talakayan sa Senado kapag nagdebate na sa malalalim na salitang Ingles ang mga kasamahan niyang mambabatas.
"Hindi naman lahat hindi ko naiintindihan. 'Pag gumamit lang sila ng mga English na pang dictionary, marami talaga eh. Minsan biglang... lalo 'pag nagtatalo na," natatawa niyang kuwento.
"Nung nagtalo si Senator Legarda saka si Senator Tolentino at saka si Senator Koko, 'yon nagkalabasan na ng mga Webster [dictionary] doon...Medyo tenga ko ang dumugo," patuloy niya.
Kaugnay naman ng pagdiriwang sa Buwan ng Wika sa darating na Agosto, magsasagawa ng mga webinar o seminar ang Sangay ng Literatura at Araling Kultural ng KWF tungkol sa Korespindensiya Opisyal para sa mga empleyado ng mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan para sa episyenteng paggamit ng wikang Filipino. --FRJ, GMA News