Inihayag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na hindi nakasasagabal ang paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa pagpapalawig ng wikang Filipino.
"Ang paggamit ng wikang Ingles bilang isa sa mga medium ng pagtuturo ay hindi sagabal sa pagkatuto at kasanayan, kakayahan ng mga mag-aaral at guro sa paggamit ng wikang Filipino," saad ni KWF chairman Arthur Casanova sa isang punong balitaan nitong Biyernes.
Ayon kay Casanova, naituturo pa rin ang wikang Filipino mula Grade 4 hanggang Grade 12 bilang bahagi ng curriculum sa basic education.Komisyon sa Wikang Filipino Commissioner Arthur Casanova, sinabing hindi nakasasagabal ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa paglinang ng wikang Filipino; dapat sabay ang pag-unlad ng paggamit ng Filipino at Ingles @gmanews pic.twitter.com/kJr5tG4jfY
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) July 29, 2022
"At kung sasabihin na palalakasin ang paggamit ng wikang Ingles sa pamamagitan ng paggamit nito bilang medium ng pagtuturo, ay maayos po iyon dahil ang totoo, wala naman talagang naapektuhan noong unang panahon ng edukasyong bilingual," anang komisyoner.
Para kay Casanova, ang problema ay nasa kakulangan sa kasanayan ng mga guro sa pagtuturo ng wika, kaya nagkakaroon kung minsan ng salungatan ang wikang Ingles at wikang Filipino sa pagtuturo.
"Ngunit ang katotohanan po niyan, ang pinakaugat ng problema na kasanayan sa paggamit ng dalawang wika na magkatimbang ay ang kakulangan ng kasanayan ng mga guro."
Dahil dito, iminungkahi ni Casanova ang pagkakaroon ng "teachers' education" kung saan lahat ng magtatapos ng dito na guro ay magkakaroon ng espesyalisasyon sa pagtuturo ng wikang Filipino at Ingles.
"Sa ganang akin dapat pong sabay na uunlad ang paggamit ng wikang Filipino at wikang Ingles. Filipino dahil tayo'y mga Pilipino na may pambansang wikang naglalarawan at nagsasalamin ng ating identidad bilang mga Pilipino na naninirahan sa pinakamamahal nating bayang Pilipinas," sabi ni Casanova.
"Ingles dahil ito po ang wikang global, ito ang wikang internasyonal at ito ay mahalaga sa ekonomiya natin. Na nauugnay din po sa programa ng ating kasalukuyang panahon," dagdag pa niya.
Hiningian ng komento si Casanova matapos ilahad ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na maaaring mabawasan ang kalidad ng edukasyon ng bansa at hindi maiintindihan ng mga estudyante ang kanilang mga aralin kung gagamitin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo.
Sa kaniyang pinakaunang State of the Nation Address (SONA), nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na magkaroon ng review sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa bansa para mapanatili ng mga Pilipino ang kanilang pag-angat bilang mga taong nakapagsasalita ng Ingles. —LBG, GMA News