Sa harap ng dumadaming kaso ng monkeypox, hinikayat ng World Health Organization ang grupo na higit ng apektado ng virus--ang men who have sex with men--na limitahan ang kanilang sexual partner.
Sinabi ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus sa mga mamamahayag nitong Miyerkules, na ang pinakamabisang paraan para maprotektahan ang sarili laban sa naturang virus ay bawasan ang "risk of exposure."
Nitong nakaraang Sabado, idineklara ni Ghebreyesus na isa nang global health emergency ang monkeypox dahil sa pagkalat nito sa 78 bansa, at mayroon nang 18,000 kaso.
Sa naturang bilang ng mga kaso, 98 percent ay ang mga lalaki na nakipagtalik sa kapuwa nila lalaki.
"For men who have sex with men, this includes, for the moment, reducing your number of sexual partners, reconsidering sex with new partners, and exchanging contact details with any new partners to enable follow-up if needed," ayon sa opisyal ng WHO.
Nitong nakaraang Mayo nang magsimulang magkaroon ng kaso ng monkeypox sa labas ng West at Central African kung saan endemic ang virus.
Ayon kay Ghebreyesus, 70 percent ng kaso ay naitala sa Europe, at 25 percent sa Americas. Lima na ang naitalang nasawi at nasa 10 porsiyento ng mga tinatamaan ng virus ang dinadala sa ospital.
Sa pag-aaral na nalathala sa New England Journal of Medicine nitong nakaraang linggo, 98 percent ng mga infected ng naturang virus ay mga gay o bisexual men, at 95 percent sa kanila ay nakuha ang virus sa pamamagitan ng sexual activity.
Nilinaw ng mga ekperto na naipapasa o maaaring mahawa ng monkeypox sa pamamagitan ng close at physical contact. Hindi pa ito itinuturing sexually transmitted infection (STI).
Bukod sa lagnat at pananakit ng katawan, ang mga tinatamaan ng monkeypox ay nagkakaroon ng pamumula, at nagtutubig na may maliliit na sugat sa balat na tila bulutong.
EXPLAINER: Monkeypox symptoms, diagnosis, treatments and vaccines
Paalala pa ng mga eksperto, maaaring maapektuhan ng virus ang isang komunidad dahil maipapasa rin ito sa "regular skin-to-skin contact, and also through droplets or touching contaminated bedding or towels in a household setting."
"Anyone exposed can get monkeypox," babala ni Ghebreyesus, kasabay ng paghikayat niya sa mga bansa na gumawa ng hakbang para mabawasan ang hawahan lalo na sa tinatawag na "vulnerable groups" na kinabibilangan ng mga bata, buntis at immunosuppressed.
Nagpaalala rin ang WHO laban sa stigma ng mga tatamaan ng virus na maaaring maging dahilan para hindi sila magtungo sa ospital at magpagamot.
"Stigma and discrimination can be as dangerous as any virus, and can fuel the outbreak," ayon kay Ghebreyesus.
Inihayag naman ni Andy Seale ng sexually transmitted infections program ng WHO, na ang paghikayat sa mga gay at bisexual men na bawasan ang kanilang sexual partner ay galing na rin mismo sa kanilang komunidad.
Pero umaasa siya na sana ay maging "short-term message" lang ito at mawala na rin kaagad ang outbreak ng virus.-- AFP/FRJ, GMA News