Umakyat na sa apat ang nasawi sa magnitude 7 na lindol na yumanig sa Abra nitong Miyerkules ng umaga. Naramdaman ito sa National Capital Region at sa mga karatig na lalawigan.
Sa ulat ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., sinabi ng kalihim na dalawa ang nasawi sa Benguet, isa sa Abra at isa sa Mountain Province.
“Sixty [ang] injured and so far po apat ang nabalitaang nasawian ng buhay, four deaths. Of these four, two are in Benguet, one each in Abra and Mountain Province,” ayon kay Abalos.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang lindol, na unang napaulat na nasa magnitude 7.3, ay naganap 8:43 a.m. at ang episentro nito ay natagpuan 17.64°N, 120.63°E - 003 km N 45° W ng bayan ng Tayum. May lalim itong 17 kilometro.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na lilipad patungong Abra si Presidente Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kung ligtas na sa panganib ang sitwasyon sa lugar.
Naunang sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal na nasawi ang construction worker dahil sa mga nahulog na debris.
Tectonic in origin ang naturang lindol, na may mga sumusunod na intensity:
- Intensity VII - Bucloc at Manabo, Abra
- Intensity VI - Vigan City, Sinait, Bantay, San Esteban, Ilocos Sur; Laoac, Pangasinan; Baguio City;
- Intensity V - Magsingal at San Juan, Ilocos Sur, Alaminos City at Labrador, Pangasinan; Bambang, Nueva Vizcaya; Mexico, Pampanga; Concepcion, at Tarlac City, Tarlac; City of Manila; City of Malabon;
- Intensity IV - City of Marikina; Quezon City; City of Pasig; City of Valenzuela; City of Tabuk, Kalinga; Bautista at Malasiqui, Pangasinan; Bayombong at Diadi, Nueva Vizcaya; Guiguinto, Obando, at San Rafael, Bulacan; San Mateo, Rizal
- Intensity III - Bolinao, Pangasinan; Bulakan, Bulacan; Tanay, Rizal
- Intensity II - General Trias City, Cavite; Santa Rosa City, Laguna
Intensity VIII na lindol, posibleng naramdaman?
Sinabi ni PHIVOLCS chief Renato Solidum na maaaring nakaramdam ang iba pang lugar ng Intensity VIII na pagyanig.
"[Intensity] VII pa lang ang confirmed... tinitingnan natin, most likely, ay puwede magkaroon diyan ng Intensity VIII," saad ni Solidum sa isang hiwalay na panayam sa Super Radyo dzBB.
Ayon kay Solidum, maaari nang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan o trabaho ang mga tao sa mga lugar na nakaramdam ng Intensity V.
"Yung Intensity V... puwede silang bumalik na kung wala naman talagang damage na nakita," ani Solidum.
Mga napaulat na pinsala
Sinabi ni Mayor Joseph Bernos ng La Paz, Abra, na nakatanggap siya ng mga ulat ng mga sirang building sa kanilang probinsiya, kabilang na ang mga simbahan.
"Sobra mga damage sa Abra," sabi ni Bernos.
Sa isa namang pahayag, sinabi ni Abra Representative Ching Bernos na ang lindol ay nagdulot ng pinsala sa maraming kabahayan at establisyemento sa probinsiya.
Bernos: My office is also actively coordinating with proper authorities on what can be done to assist families and communities that were severely affected by this earthquake. Please join us in praying for Abra and the continuous safety of our beloved Abreños. @gmanews
— Tina PanganibanPerez (@tinapperez) July 27, 2022
"We are monitoring the situation on the ground and gathering information on the extent of the damage to the province," saad ni Bernos.
Ayon naman kay Senadora Imee Marcos, ilang heritage sites at mga pangunahing kalsada sa Ilocos Norte at Ilocos Sur ang nasira rin dahil sa malakas na lindol.
"Mga antique bell towers ng Bantay [Ilocos Sur] at Laoag nasira, pati Sarrat [at iba pa]. Heritage houses sira, iba natumba," saad ni Marcos, na isang dating gobernador ng Ilocos Norte.
"Ganun din [infrastructure] roads [including] Kennon, Paraiso Pagudpud, Ilocos Norte- Apayao, pati electrical transformers, lines, etc [ay apektado]. Kaya may brownout na," dagdag pa niya.
Sa isa namang virtual interview, sinabi ni Senadora Marcos na apektado rin ang mga kalsada na papunta sa mga kalapit na probinsiya tulad ng Kalinga at Cagayan.
Sa panayam din sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Jeric Venus ng Abra Provincial Police Office na nagkaroon ng mga bitak ang ilang mga gusali habang nagtamo rin ng pinsala ang mga kabahayan.
"'Yung mga building namin merong cracks. Tapos 'yung lugar, karamihan may gumuho na bahay [Some of our buildings have cracks and most of the houses were damaged]," saad ni Venus.
Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga lugar na apekatdo ng lindol.
"As of now, our priority is to respond to various reports regarding those individuals who are affected by the strong quake," saad ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa isang pahayag.
"Coordination is also being made with other frontline government agencies and responders who are on top of the situation," dagdag ni Fajardo.
P200-M quick response fund
Nakahanda naman ang P200 milyong halaga ng quick response fund para sa mga lokal na pamahalaan na pinakaapektado ng magnitude 7 na lindol.
"Usec. (Jose) Faustino confirms the [availability] of NDRRMC's P200-M quick response fund for use in case [affected] LGUs would require support," saad ng NDRRMC sa isang mensahe.
Mga operasyon ng tren natigil
Pansamantala ring tumigil ang mga operasyon ng Metro Rail Transit-Line 3 at Light Rail Transit Line 1 at 2 matapos maramdaman ang lindol maging sa Metro Manila.
Sinabi ng Philippine National Railways na pansamantalang isususpinde nito ang mga biyahe para sa Metro North at Metro South Commuter Service habang hinihintay ang kumpirmasyon mula sa Engineering Departments na nagse-certify na ligtas nang dumaan sa mga riles.
Iba pang epekto ng lindol
Sa Baguio City, sinuspinde ni Mayor Benjamin Magalong ang trabaho at mga klase sa pampubliko at bribadong sektor kasunod ng lindol.
Gayunman, sinabi ng Public Information Office ng Baguio City na wala pang naiuulat na pinasala o pagkamatay sa kanilang lugar.
Sa Benguet, pansamantalang hindi madaanan ang Andres Acop Cosalan Road sa Poblacion, Bokod, dahil sa matinding landslide dulot ng pagyanig.
"Likewise, power interruption, poor internet connection and poor cellular phone network is being experienced," saad ng provincial office.
Wala namang napaulat na pinsala sa Rehiyon 2, 3, 4A, 4B at Metro Manila, ayon sa NDRRMC.
Power transmission services
Sinabi ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) na "up and running" pa rin ang serbisyo nito sa kabila ng malakas na lindol.
"Power transmission services of NGCP remain normal despite the 7.3 magnitude earthquake which occurred in Lagangilang, Abra at 8:43 a.m. today, 27 July 2022," saad ng NGCP.
"The Luzon Grid remains intact, but we monitored a rise in frequency, which indicates load tripping," dagdag pa nito.
Kadalasang niyayanig ng mga lindol ang Pilipinas dahil ang bansa ay nasa Pacific "Ring of Fire," isang arko kung saan nagaganap ang matinding aktibidad ng paglilindol na mula sa Japan patungong Southeast Asia at hanggang sa Pacific basin. —LBG/FRJ, GMA News