Patay ang isang senior citizen na babae sa pananaksak ng kanyang kapitbahay sa Barangay 163 sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Aris Coquilla na sinaksak din ang kaniyang asawa at 3-anyos na anak.
Sa ulat ng Unang Balita, napagalamang unang sinaksak ng suspek ang kaniyang batang anak, nang makita ito ng kaniyang asawa na sinaksak din.
Tumakbo ang suspek palabas ng bahay matapos marinig ng mga kamag-anak nila ang paghingi ng tulong ng kaniyang asawa.
Dumeretso ang suspek sa isang tindahan at doon na sinaksak ang senior citizen niyang kapitbahay.
“Ang sabi niya, barilin na lang daw siya kasi hindi raw siya papahuli nang buhay,” pahayag ni Police Major Johnnyboy Itcay.
Depensa naman ng suspek, nagawa niya ang krimen dahil hindi niya matanggap ang pagkamatay ng 16-anyos niyang panganay na anak.
“Nagawa ko lang po ‘yung bagay na ‘yun dahil sa hindi ko matanggap ‘yung pagkawala ng una kong anak na panganay. Nagsama-sama na rin po kasi ‘yung pagod, puyat,” pahayag Coquilla.
Samantala, hindi naman matanggap ng anak ng senior citizen ang pagkadawit ng kaniyang ina sa krimen, lalo pa’t kumpare umano niya ang suspek.
“Hindi ko alam, hindi ko lubos maisip kung bakit pati nanay ko dinamay niya sa problema niya eh. Wala naman kaming alam na ‘di namin pagkakaunawaang dalawa at pamilya niya saka pamilya namin,” saad ng anak ng biktima.
Nagtataka rin ang biyenan ng suspek kung bakit nagawa ng manugang ang krimen.
“Mabait naman po siya, hindi naman po siya [ano]. Pagkagaling niya po ng trabaho nandun lang siya sa bahay natutulog. Baka nga po sobrang isip lang po niya sa anak niya kaya niya nagawa ‘yun,” tugon ng kaanak ng suspek.
Parehong nasa ospital ang mag-ina ni Coquilla at kailangang operahan ang kaniyang anak.
Nahaharap naman sa kasong two counts of frustrated parricide, isang homicide, at alarm and scandal ang suspek. —Alzel Laguardia/LBG, GMA News