Isang mabuting kabiyak, kapatid at anak ang security guard na nasawi sa nangyaring pamamaril sa Ateneo de Manila University campus sa Quezon City noong Linggo ng hapon.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing humihingi ng hustisya ang mga kaanak ni Jeneven Bandiala, security guard sa Ateneo, na kasamang nasawi sa nangyaring pamamaril.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang pinaslang na si dating Lamitan, Basilan mayor Rose Furigay ang puntirya ng naarestong suspek na si Dr. Chao-Tiao Yumol, na taga-Lamitan din.
Nasawi rin ang aide ni Furigay na si Victor Capistrano, habang nasugatan ang anak ng dating alkalde na si Hannah.
Napag-alaman na apat na taon nang security guard si Bandiala sa Ateneo.
Tumutulong siya sa pangangailangan ng kaniyang ina at kapatid.
Ang kinakasama ni Bandiala na si Christina Mascardo, hindi matanggap ang sinapit ng kaniyang kabiyak sa buhay.
“Masakit po para sa akin. Nabigla po ako nung malaman ko. Hindi ko po alam kung anong gagawin ko. Sabi ko, ‘Bakit ganun, bakit siya pa? Bakit dinamay siya?’” hinanakit niya.
Ang kapatid ng biktima na si Raymond Bandiala, sinabing dapat makonsensiya si Yumol sa kaniyang ginawa.
“Sana naman makonsensya ka sa ginawa mo sa kapatid ko. Wala naman siyang kasalanan sa inyo. Ginawa lang naman yung trabaho niya. Bakit dinamay niyo pa?” ani Raymond.
Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at hita si Bandiala nang tangkain niyang pigilan ang tumatakas na si Yumol.
Samantala, sinabi sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, na dinala ang mga labi nina Furigay at Capistrano sa Cosmopolitan Memorial Chapel sa Quezon City para doon muna iburol.
Iuuwi sa Basilan ang mga labi ni Furigay kapag maaari nang lumabas ng pagamutan si Hannah. Tumanggi na muna ang pamilya ni Capistano na magpaunlak ng panayam pero inaasikaso na rin nila ang pag-uwi ng kaniyang labi sa Basilan.
Ayon kay Basilan Governor Jim Hataman Salliman, magdedeklara ng state of mourning sa lalawigan dahil sa nangyari sa dating alkalde.
Nagtungo sa Ateneo sina Furigay at Capistrano, dahil kabilang sa mga magtatapos sa kursong abogasya nang araw na iyon si Hanna.
Lumilitaw na hidwaan ang motibo sa ginawang pagbaril ni Yumol sa dating alkalde.—FRJ, GMA News