Nasapul sa CCTV ang maaksyon at mala-pelikulang pagtakas at pagtugis sa suspek sa pamamaril sa Ateneo De Manila University, na ikinasawi ng tatlong katao noong araw ng Linggo, kabilang ang dating alkalde ng Lamitan City na si Mayor Rose Furigay.

Sa Unang Balita ni Jamie Santos nitong Lunes, sinabing naganap ang mga tagpo matapos ang pamamaril sa loob ng ADMU sa Barangay Loyola Heights at Barangay Quirino 3-A bago mag-alas tres ng hapon sa Quezon City.

Mapapanood sa kuha ng CCTV sa Barangay Loyola Heights ang pagtakbo sa bangketa ng P. Gonzales St. ng gunman na si Chao-Tiao Yumol, na nakapagpalit na ng damit.

Sumakay ng tricycle ang suspek, pero bigla siyang bumaba at pilit na inagaw ang susi at ang sasakyan mula sa driver nito.

Nang hindi pumayag ang driver, kinuwelyuhan ito ni Yumol.

Ilang saglit pa ang lumipas, dumating na ang mga humahabol na taga-barangay Loyola Heights, habang muling tumakbo ang suspek.

Hindi na nakunan ng CCTV, pero nakapang-agaw ng dilaw na kotse si Yumol na ginamit niya bilang getaway vehicle.

Nahagip naman ng CCTV ang pagharurot ng kotse na inagaw ni Yumol, na dumaan sa bahagi ng Katipunan Xavierville, habang hinahabol siya ng ilang motorcycle riders.

"Wala namang nasaktan sa mga tao namin, safe naman lahat. Twuing masusukol na siya ng mga tanod namin, inilalabas na niya 'yung baril niya, tapos nagpapaputok kaagad siya ng baril," sabi ni Brgy. Loyola Heights Chairman Darwin Hayes.

Sa CCTV naman sa Brgy. Quirino 3-A, pumwesto ang pulisya sa harap ng  St. Joseph Shrine, matapos itimbre ng mga motorcycle rider na sumakay ng isang UV bus ang gunman.

Pinara ng mga pulis ang UV bus nang dumaan ito at bumaba ang konduktor na tila takot na takot.

Dito na pinababa at dinakip ang gunman, na agad pinadapa ng mga pulis.

Sa puntong ito, nakakuha ng tiyempo ang mga rider at pinagsisipa ang suspek.

Ilang saglit pa ang lumipas, nagsidatingan pa ang mga pulis at isinakay ang suspek sa mobile.

Nasa kustodiya na ng QCPD si Yumol.

Bukod kay Furigay, nasawi rin ang kaniyang aide na si Victor Capistrano at ang guwardiya ng unibersidad na si Jeneven Bandiala.

Nangyari ang insidente bago isasagawa ng Ateneo law school ang graduation ceremony nito.

Sugatan din ang anak ng dating mayor na si Hannah at dinala sa ospital.

Lumalabas na personal na alitan ang dahilan ng pamamaril ni Yumol, 38-anyos at isang medical doctor, kay Furigay.

Ayon kay QCPD director Police Brigadier General Remus Medina, may isinampang 76 kaso ng cyber libel ang mga Furgay laban kay Yumol. —LBG, GMA News