Isang dating singer ng banda ang nabiktima rin pala ng babaeng kasambahay na wanted ngayon matapos na pagnakawan ang kaniyang amo. Nangangamba ang singer na ginagamit ng suspek ang kaniyang identity dahil tinangay nito ang kaniyang vaccination card.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Caren Tevanny Mangaran, dating lead singer ng bandang General Luna, na napanood niya ang balita at namukhaan ang suspek na nanloob sa kaniyang bahay noong nakaraang taon.

Kaagad na nagtungo si Mangaran sa National Bureau of Investigation (NBI), at sinabing nakilala niya rin lang sa Facebook ang suspek. Nagpakilala raw ito na "Hazel" noong Setyembre 2021, at nag-apply bilang kasambahay.

"Sabi pa niya, 'Wala akong phone, pero puwede tayong mag-video call.' Siya ang nag-initiate ng video call, so kampante ako na ay, nagpapakita siya. Sabi niya, galing siyang probinsiya, namasukan siya sa agency. Binigyan siya ng amo pero hindi natuloy. Nandito na siya kaya anytime puwede siya," sabi ni Mangaran.

"Pagdating dito [sa bahay], naglinis agad siya. Wala pa akong sinasabi, talagang kumuha na siya ng walis, nilinis na niya lahat. Magaling siyang katulong," kuwento ni Mangaran.

Ngunit sa sumunod na araw, nagsabi ang kasambahay na nagkulang na sila ng toiletries at condiments. Hanggang sa nilimas na ng suspek ang kaniyang mga pera at gamit gaya ng laptop, mga relos, game console at mga mamahaling bag.

Sa isang CCTV, makikita ang salarin na dala-dala ang maleta ng kaniyang amo, at ipinabuhat sa apat na bata ang iba pang gamit sa loob ng bahay na nagkakahalaga umano ng P300,000.

Napag-alaman din ni Mangaran mula sa isang nabiktima na ginagamit ngayon ng suspek ang kaniyang vaccination card at pangalan sa pag-apply muli ng trabaho.

"Syempre 'pagka pinahuli siya tapos name ko, baka ako 'yung ma-ano sa NBI niyan. Gusto ko siyang mahuli kasi nakakausap ko 'yung mga victims," sabi ni Mangaran.

Iniulat sa "24 Oras" nitong Martes, Hulyo 19, ang ginawang paglimas ng kawatang kasambahay sa bahay ng pinasukang biktima. Aabot sa P1 milyon ang halaga ng gamit sa kaniyang natangay sa amo sa Dagupan City.

Dalawang araw pa lamang namamasukan noon ang suspek, at nakilala rin lang ng biktima sa Facebook.

Sumalakay din ang suspek noong Pebrero sa isa pang bahay sa Novaliches, Quezon City.

"Marunong siyang magmanipula. Talagang mapanganib, lubhang preparado at focused siya sa ginagawa niya. Mukha lang siyang inosente sa totoo lang," sabi ni Atty. Jun Dongallo, Regional Director ng NBI-NCR.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News