Arestado ang isang lalaki na inakusahang gumahasa at nanakot sa isang 13-anyos na dalagita na nakilala niya online sa Pasig City. Depensa ng suspek, may relasyon sila ng biktima at ginusto nila ang nangyari.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Argie Lumocso, 29-anyos.

Lumabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police - Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), na nag-umpisa ang pag-uusap ng suspek at ng biktima sa Facebook, at humantong umano sa relasyon.

Dahil dito, may mga insidente na pumayag ang biktima na magpadala sa suspek ng mga maseselang video at larawan.

Nitong Hulyo 10, nagkita ang dalawa at tinakot umano ng suspek ang biktima para makipagtalik.

"Ang pananakot niya kay victim is if you don't have sex with me, then itigil na natin ito. Siyempre bata, alam mo 'yun, so she gave in," sabi ni Police Lieutenant Michelle Reynes Sabino, spokesperson ng PNP Anti-Cybercrime Group.

Pagkaraan ng ilang araw, panay na ang panghihingi ng suspek ng mga video at litrato ng biktima.

Nagbanta pa ang suspek na ipakakalat niya ang mga naunang ibinigay sa kaniya ng menor de edad kapag hindi ito nagpadala ng mga bago.

"Hindi ko po 'yan siya pinilit na makipagtalik, mapuwersa, hindi po. Ang pagkakamali ko lang talaga sir menor lang kasi. Kagustuhan naman po namin na mangyari ang ganu'n," sabi ni Lumocso.

Sasampahan ng reklamong statutory rape ang suspek, dahil mababa pa sa 16-anyos ang edad ng biktima. Pasok din ang suspek sa paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act at grave coercion.

"Kayong mga bata, you are always into social media. Mag-ingat ingat po kayo diyan kasi hindi lahat ng nami-meet niyo diyan ay totoo. Hindi niyo alam ang implications niyan," paalala ni Sabino sa mga kabataan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News