Umaasa ang ilang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na hindi sila kasama sa 1.3 milyong miyembro na aalisin sa listahan ng Department of Social Welfare and Development DSWD).

Samantala, umaasa naman ang ibang nag-a-apply na nais mapasama sa mga ipapalit na mga benepisyaryo.

Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkules ang pahayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na aabot sa 1.3 milyon sa kabuuang 4.4M na mga miyembro ng 4Ps ay hindi na maituturing na mahihirap.

Upang maging kwalipikado na mag-apply sa 4Ps, dapat maituturing na mahirap ang isang target na maging miyembro ng programa.

Ayon sa DSWD, ga-graduate na ang ilang miyembro ng programa kapag nakatatayo na sila sa sarili nilang mga paa o kaya ay nakapagtapos na ang kanilang mga anak sa pag-aaral.

Dagdag ni Secretary Tulfo, ang P15-B pondong matitipid ay maaaring maibigay sa mga tunay at kwalipikadong mga benepisyaryo.

Mag-i-issue umano ng amnesty call ang DSWD sa susunod na linggo sa hindi na kwalipikadong 4Ps beneficiaries upang i-surrender na ang kanilang mga account. —LBG, GMA News