Pinatalsik ng Japan ang Gilas Pilipinas sa 2022 FIBA Asia Cup matapos na manaig ang una laban sa Pinoy shooters sa iskor na 102-81, sa paghaharap nila sa quarterfinals na ginanap sa Indonesia nitong Martes.
Naging mainit agad ang mga kamay ng koponan ng Japan sa pagsisimula ng laban matapos kumamada agad ng 32 puntos kontra sa 16 ng Gilas.
Sa second quarter, nagpantay ang dalawang koponan sa pagbuslo ng tig-18 puntos pero naiposte ng Japan ang 50-34 na kalamangan sa pagtatapos ng first half.
Sinikap ng team Pilipinas na sapawan ang malaking lamang ng team Japan sa third quarter sa pag-iskot ng 27 na puntos laban sa 29 na puntos ng Japan.
Pero muling umarangkada ang Japan sa huling bahagi ng kanilang pagtutuos hanggang makaipon ng 28 na puntos na kalamangan, 99-71, apat na minuto ang nalalabi sa final quarter.
Dahil sa kabiguan sa Japan, laglag na ang Gilas Pilipinas sa 2022 Fiba Asia Cup.
Tatlo lang sa Gilas ang nakapuntos ng double digits--sinabi Ray Parks (16), Kiefer Ravena (15) at Carl Tamayo (10), kontra sa limang manlalaro ng Japan.
Dahil sa pagkatalo, humingi ng paumanhin si Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes.
"Well, obviously the result is not what we wanted and we're very sorry that we've disappointed a lot of our countrymen, the Filipinos," sabi ni Reyes sa post-game press conference.
Ayon kay Reyes, "very young team" ang isinabak niya sa laro at lahat ay ngayon lang lumaban sa FIBA Asia Cup. Gayunman, maganda umano itong karanasan para sa mga manlalaro at makatutulong sa kanila sa hinaharap.
"Like I said, we brought a very young team here and the experience is just going to make them better. To be able to be exposed to the kind of intensity and level of play here at the Asia Cup," paliwanag niya.
Asahan umano na mas magiging malakas na Gilas sa mga susunod na kompetisyon tulad ng second round ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers na magsisimula sa Agosto. .—FRJ, GMA News