Isang babae na nagpapakilalang event organizer ang inaresto matapos siyang ireklamo na bigla umanong nawawala kapag nakuha na ang bayad ng kaniyang mga nabiktimang kliyente sa Rizal.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Melanie Tabermejo, 42-anyos, inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Rizal Provincial Field Unit.
Ayon kay Police Major Leopoldo Cajipe, Provincial Officer ng CIDG Rizal, inireklamo si Tabermejo ng mga kliyente nito na itinakbo ang kanilang mga pera na ibinayad o pang-downpayment bilang event organizer.
Maliban sa kaniyang raket, nag-aalok din umano ang suspek na mamuhunan sa kaniyang event organizing company, at nangangako ng 10% hanggang 20% tubo sa loob ng isang buwan.
Ayon pa kay Cajipe, nasa 30 ang nagrereklamo laban kay Tabermejo, at nagkakahalaga ng P4 milyon ang natangay umano ng suspek mula sa mga biktima na mga taga Region IV-A, Metro Manila at Central Luzon.
Ang biktimang itinago sa pangalang "Pinky," sinabing kulang P1 milyon ang nakuha sa kaniya ng suspek.
"Sigurado kikita 'yung pera mo, mabilisan lang ito. Siyempre, na-encourage ka. For eight months, ang ganda ng balik. [Pero] after nu'n, ang dami na niyang alibi, excuses," sabi ni Pinky.
Pero depensa ng suspek, hindi siya manloloko.
"Napabayaan ko po siya eh, dumaan po ang pamilya ko sa trauma dahil nga po doon sa nangyari sa husband ko, so hindi na lang nakaikot nang maayos ang fund namin. Pero 'yung pag-aakusa nila sa akin na tinangay ko, ginamit ko pampersonal ang mga pera, ang mga pondo nila, hindi po 'yun totoo," sabi ni Tabermejo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News