Isinugod sa ospital ang isang mag-asawang sakay ng motorsiklo matapos silang pagsasaksakin ng isang lalaking driver na nakaalitan nila sa kalsada sa North Fairview, Quezon City. Ang suspek, kinuyog naman ng mga tao sa lugar.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Jessie Laoyon, na nagtamo ng mga sugat sa mukha matapos gulpihin ng taumbayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulisya na minamaneho ng suspek ang kaniyang closed van patungong Commonwealth Avenue, habang pauwi naman ang mag-asawa sakay ng kanilang motorsiklo.
"Noong mag-cross 'yung closed van ay muntik nang masagi 'yung nakahintong motorsiklo ng dalawang biktima. Dahil sa pangyayaring iyon, kinalabog ng babae para mapansin sila ng driver ng closed van," sabi ni Police Senior Master Sergeant (PSMS) Roderick Mallanao, imbestigador.
Nang umatras ang closed van, kinalabog ulit ito ng ginang. Dito na bumaba ng sasakyan ang suspek saka pinagsasaksak ang ginang.
Nang lumapit ang asawa ng ginang, inundayan din siya ni Laoyon.
"Rumesponde agad 'yung pulis natin na kasalukuyang nagpapatrol... 'yung suspek na maraming nakakitang bystander ay nahawakan nila saka inaresto ng pulis na rumesponde," sabi ni Mallanao.
Bago madakip ng awtoridad, nakorner at pinagtulungan ng taumbayan ang suspek.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang babae, na nagtamo ng saksak sa braso at tiyan, habang saksak sa dibdib ang tinamo ng kaniyang mister.
Depensa naman ni Laoyon sa kaniyang ginawa, "Nagawa kong manaksak sa kanila kasi pinipilit nila akong palabasin. Parang bubugbugin ako nila dalawang mag-asawa. Hindi naman sila nasaktan eh, hindi naman sila natamaan ng sasakyan."
Nabawi sa kaniya ang patalim, at mahaharap siya sa reklamong two counts of frustrated homicide.--Jamil Santos/FRJ, GMA News