Nasawi ang isang lalaki na dati nang nakulong dahil sa ilegal na droga matapos siyang pagbabarilin sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Aber Aslafal, 27-anyos, na duguan at wala nang buhay nang matagpuan matapos pagbabarilin pasado 3 a.m. sa San Miguel Extension sa Barangay Payatas A.

 

 

 

Ayon sa ina ng biktima na si Sarah Aslafal, nagpaalam lamang ang kaniyang anak na iinom nitong Martes ng gabi.

Pero madaling araw nitong Miyerkoles nang may kumatok sa kanilang bahay at hinahanap ang kaniyang anak.

Hinala ng ina ng biktima, may kinalaman sa pamamaril ang lalaking kumatok sa kanilang tahanan.

"Kumatok ang mamà, sabi niya, 'Saan si Aber 'te?' Katok nang katok, sabi ko 'Sino po?' 'Pag may lakad 'yan hindi 'yan uuwi dito, doon na 'yun sa barkada umuuwi kasi sinabi ko 'Kung saan ka gagabihin doon ka matulog,'" sabi ni Sarah Aslafal.

Tatlumpung minuto matapos kumatok ang lalaki, naganap na ang pamamaril kay Aslafal.

Base sa inisyal na impormasyon mula sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nasa anim na basyo ng bala ang nakuha sa crime scene, at isang sachet ng shabu umano mula sa pantalon ng biktima.

Kilala lang ni Sarah sa mukha ang lalaki pero hindi niya alam ang pangalan nito.

Bago nito, nakulong si Aslafal noong 2020 dahil sa droga.

Pinoproseso ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives ang bangkay ng biktima. —Jamil Santos/KG, GMA News