Natukoy na ng mga awtoridad ang dalawa sa mga taong nambugbog sa mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City.
"Dalawa na po ang na-identify dahil may previous record na po siya dito sa amin," ani MMDA Chairman Atty. Romando Artes sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
"Nahuli na siyang nag-counterflow, silang dalawa, na pinagbigyan naman po at pinagsabihan lang noong una," dagdag niya.
Hinahanap pa ng mga pulis sa Pasay ang iba pang sangkot sa insidente.
"So far meron pa pong I think tatlo or apat pa na hinahanap," ani Artes.
Nagsasagawa ng clearing operation sa Pasay noong Linggo ang mga tauhan ng MMDA laban sa mga e-trike na dumadaan sa EDSA kung saan sila ay bawal.
Naisakay na raw ng mga taga-MMDA sa kanilang truck ang mga e-trike na kinumpiska pero puwersahan itong binawi ng mga lalaki. Nang pipigilan na sila ng MMDA ay doon na raw nagsimula ang gulo.
Bumaba sa truck ang dalawang biktimang mga MMDA traffic enforcer na sina Jose Zabala at Adrian Nidua pero kinuyog na sila ng mga lalaki.
Emosyonal na nagpunta ang mga biktima sa police station para ipa-blotter ang insidente.
Ayon kay Zabala na retiradong scout ranger, hindi lang siya ang nagka-trauma sa nangyaring insidente kung hindi maging ang kaniyang pamilya.
Itutuloy raw niya ang pagsasampa ng demanda laban sa mga nanakit sa kaniya para maturuan sila ng leksiyon. Nagtamo si Zabala ng mga galos at pasa sa mukha.
Kuwento naman ni Nidua, sinuntok siya sa likod ng kanyang ulo.
"Hindi ko alam na madami na, kaya sumibat na rin po ako," aniya.
Sa Facebook post, kinondena ni MMDA Task Force Special Operations head Bong Nebrija ang ginawang pananakit sa kaniyang mga tauhan.
Sinabi ni Nebrija na dapat sumuko ang mga nanakit sa mga enforcer ng MMDA.
Magsasampa raw ang MMDA ng reklamo laban sa mga nambugbog. —KG, GMA News