Isang retiradong Scout Ranger ang matandang kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kabilang sa pinagtulungang gulpihin ng mga lalaki sa isang clearing operation sa Pasay City noong Linggo.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni MMDA traffic enforcer Jose Zabala, na hindi lang siya ang nagka-trauma sa nangyaring insidente kung hindi maging ang kaniyang pamilya.

Ayon kay Zabala, isang retiradong master sergeant, itutuloy niya ang pagsasampa ng demanda laban sa mga nanakit sa kaniya para maturuan sila ng leksiyon.

“Ako po ay Army Special Forces Airborne, sa totoo lang. Matatag po ako sa totoo lang. Pero nagtataka ako sa ngayon, sumama ang loob ko sa kanila,” ani Zabala, na nagtamo ng mga galos at pasa sa mukha.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang kaguluhan nang magsagawa ang mga traffic enforcer ng MMDA ng clearing operation laban sa mga pumapasadang e-trikes sa kahabaan ng EDSA, na ipinagbabawal.

Isang grupo ng kalalakihan ang nagtangkang kunin ang e-trikes na nasa tow truck. Pero hindi pumayag ang mga enforcer at doon na nagsimula ang gulo.

Pero ayon kay Zabala, kasama sa mga gumulpi at nag-udyok na gulpihin sila ay ilang vendor sa lugar na paulit-ulit din nilang sinisita.

Sa Facebook post, kinondena ni MMDA Task Force Special Operations head Bong Nebrija ang ginawang pananakit sa kaniyang mga tauhan.

Sinabi ni Nebrija na dapat sumuko ang mga nanakit sa mga enforcer ng MMDA.

Ayon naman kay MMDA Director of Health and Public Safety Francis Martinez, patuloy nilang imomonitor ang clearing operations laban sa illegal vendors sa Baclaran-Taft Avenue area dahil sa nangyari.

“Ang amin lang pakiusap — kung kilala nila ay ilutang na lang nila ang gumawa nun. Hanggat hindi nila tinu-turnover sa PNP ay i-operate namin ang (lugar),” ani Martinez. —FRJ, GMA News